DOST-NCR PINAGSAMA ANG INOBASYON AT TRADISYON SA PAMANA AGHAM      

Pormal nang binuksan ng Department of Science and Technology – National Capital Region (DOST-NCR), sa pangunguna ni DOST Secretary Renato U. Solidum Jr., ang “Pamana Agham: Siyensya sa Bawat Habi at Hibla” noong ika-28 ng Agosto 2024, sa Casa Manila, Intramuros, Maynila. Ang nasabing okasyon ay isinagawa sa pakikipagtulungan ng Department of Tourism (DOT) sa pangunguna ni Secretary Christina Garcia Frasco, DOST-Philippine Textile Research Institute (DOST-PTRI), Intramuros Administration, at Partnerships for Sustainability Education (PSE). Matagumpay na inilunsad sa kaganapang ito ang iba’t ibang proyekto at pakikipag-ugnayan na naglalayong isulong ang sustenableng pag-unlad at turismo.

Binigyang-diin ni DOST Undersecretary for Regional Operations, Engr. Sancho A. Maborrang, ang kahalagahan ng pagpapayaman sa kulturang Pilipino sa pamamagitan ng tradisyonal na paghahabi. Kanyang idiniin na ang pagsasama ng agham, teknolohiya, at inobasyon ay hindi nagbabawas sa halaga ng mga tradisyong ito, bagkus ay lalo pa nitong pinapabuti ang kanilang kabuluhan para sa kasalukuyang henerasyon, at tinitiyak na ang mga katutubong sining na ito ay patuloy na mamamayagpag at magiging makabuluhan sa modernong panahon.

Ipinahayag din ni DOST Secretary Solidum na ang kultura ng paghahabi ay kailangang ipamana sa mga susunod na henerasyon, dahil ito ay isang pagpapahayag ng likas na pagkamalikhain ng mga Pilipino. Aniya, ang paghahabi ay sumasalamin sa sustenableng paggamit ng ating likas na yaman, kumakatawan sa makulay na bahagi ng kulturang Pilipino, at simbolo ng pagsasama ng tradisyon at inobasyon.

Isa sa mga pangunahing kaganapan ay ang paglagda ng kasunduan sa pagitan ng DOST-NCR at PSE upang pagtibayin ang kooperasyon sa pagpapatupad ng mga makabuluhang proyekto at inisyatiba para sa edukasyong sustenable, pagsasagawa ng mga pag-aaral tungkol sa sustenabilidad, at pagbibigay ng tamang kakayahan sa mga stakeholder upang matamo ng Pilipinas ang mga Sustainable Development Goals.

Bukod dito, lumagda rin ang DOST at DOT sa isang kasunduan para sa TourLISTA Application, isang proyekto na pinangungunahan ng DOST-MIMAROPA. Layunin ng aplikasyon na ito na mapadali ang pag-uulat at pagsusuri ng mga datos na may kinalaman sa turismo, na magsisilbing gabay para sa pamahalaan sa pagbuo ng mga prayoridad, plano, at proyekto sa sektor ng turismo. Ang inisyatibang ito ay bahagi ng Smart and Sustainable Cities and Communities Program na naglalayong magbigay ng smart solutions para sa mga lungsod at komunidad. Pormal ding ibinigay ng DOST-XI sa DOT ang mga Halal Modules sa seremonya.

Kasama rin sa programa ang awarding ceremony para sa mga nanalo sa “Sining Siyensya” contest na nilahukan ng mga Persons Deprived of Liberty (PDLs) sa pakikipagtulungan ng Bureau of Jail Management and Penology-NCR. Nagtapos ang mga kaganapan sa pamamagitan ng “Ang Pamanang Habi” fashion show.