DOUBLE TIME, SOBRA SOBRA!

 Sumobra sa galing ang bahagyang naliyamadong kabayo na si (1a)Double Time kaya walang hirap na nagwagi sa ginanap na Philracom Ratings Based Handicapping System (RBHS) Class 5 (5 Split) na pinakawalan sa karerahan ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) sa Malvar Tanauan City, Batangas. Lulan ng apprentice rider na si Christian Advincula ay sinisiw ni (1a)Double Time ang kanyang mga kalaban, na kahit nanggaling sa likuran ay kumaripas at umigtad pa rin sa rektahan. Sa simula ng laban ay umarangkada kaagad sa gawing loob si (1)Heaven’s Gift na sinakyan ni JR Gellada upang mahawakan ang bandera, kasabay sa gawing labas si Prince Arman na nirendahan ni Rodito Calubiran, pangatlo si Jack Of Clubs na pinatnubayan ni Dominador Borbe Jr., pang-apat ang ating bida na si (1a)Double Time, panlima si Pagbabago na pinatungan ni Marion Ellos, habang si Matukad Island na ginabayan ni Jonathan Flores ang bugaw sa simula. Pagpihit sa unang kurbada ay nakapuwesto sa likuran ang winning horse na si (1a)Double Time, habang namamayagpag sa unahan ang kanyang kakampi na si (1)Heaven’s Gift. Pagdating sa back stretch ay bandera pa rin ang kacouple runner ni (1a)Double Time na si (1)Heaven’s Gift, kasunod pa rin ang segundo liyamado na si Prince Arman, pangatlo ang tersero liyamado na si Jack Of Clubs, pang-apat ang quinto liyamado na si Pagbabago, panlima ang paborito na si (1a)Double Time, habang ang kuarto liyamado na si Matukad Island ay nanatiling bugaw. Pagsapit sa far turn ay si (1)Heaven’s Gift pa rin ang nagdidikta sa harapan, habang sabay na nagpaparemate sina Prince Arman at Jack Of Clubs upang makalapit sa unahan at nagsimula na rin kumilos si (1a)Double Time. Papasok sa home stretch ay matindi ang naging bakbakan nina (1)Heaven’s Gift, Prince Arman, Jack Of Clubs at (1a)Double Time sa harapan, ngunit hindi na nila kinaya ang tikas ni (1a)Double Time na umigtad sa rektahan at tinawid ang finish line ng may malayong kalamangan. Sumegundo kay (1a)Double Time si Jack Of Clubs, tersero si Prince Arman at si Matukad Island ang pumang-apat. Pumoste si (1a)Double Time ng tiyempong 1:27.8 (13′-22-25-26) para sa distansyang 1,400 meter.