Enforcer  

GREEN pa, hindi pa orange at lalong hindi pa red subalit isang four-wheel vehicle ang huminto na sa intersection.

Mabuti na lamang at medyo mabagal ang pagpapatakbo ng nasa likuran na single motorcycle.

Binusinahan ng rider pero hindi na umabante ang sasakyan hanggang sa ganap na naging red na ang traffic light.

Nagkataon na nasa pedestrian lane ang motorsiklo kaya bahagyang inabante ng rider upang hindi nakaharang sa mga tumatawid.

Sa ganoong tagpo ay may dalawang traffic enforcer ang biglang sumulpot.

Ang isa ay pinuntahan ang sasakyan habang ang isa ay sa motorsiklo.

Ibinibigay ng rider ang kanyang paliwanag subalit ang sagot lamang nga enforcer ay kung kukuhanan niya ng litrato o video ay makikita na wala sa katwiran ang drayber ng motorsiklo.

Simple lang naman ang sagot ng rider na dahil may mga CCTV sa lugar ay doon makikita at mapapatunayan ang katotohanan o ang tunay na pangyayari.

Nag-uusap ang rider at enforcer na lumapit na ang isa pang enforcer na natapos na sa pakikipag-usap sa tsuper ng sasakyan.

Tanong ng enforcer kung ano nangyari sa pag-uusap na ang sagot ng kasamahang enforcer ay asawa o misis daw ng police colonel ang nagmamaneho ng sasakyan.

Kaya naman hindi pumayag ang rider na siya ay matitikitan at mabibigyan ng violation samantalang ang car driver ay lusot o absuwelto dahil nagpakilalang asawa ng koronel.

Ang mga ganitong tagpo ay ilan lamang sa mga eksenang inyong masasaksihan sa lansangan sa pagitan ng enforcer at motorista.

Kaya naman ang katanungan ng nakararami ay ano ba ang pangunahing trabaho ng enforcer o ang prayoridad nila sa ginagampanang tungkulin.

Katulad ng pagmamaneho o ang pagiging drayber, marangal na trabaho rin ang isang enforcer.

Dapat ay ipamalas ng bawat isa ang maging marangal sa pagtupad sa kung ano mang ginagampanang trabaho.