Hugandong nanalo ang outstanding favorite na kabayo na si Enigma Uno matapos pakainin ng alikabok ang kanyang mga katunggali sa pambungad na karera na ginanap noong nakaraang linggo 3YO & Above Maiden Race na ikinasa sa pista ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) sa Malvar Tanauan City, Batangas. Lulan ng hineteng si Kelvin Bete Abobo ay sinisiw ni Enigma Uno ang laban matapos bumandera ng walang kahirap hirap mula umpisa hanggang meta. Sa pagbukas ng aparato ay bumandera antimano ang ating bida na si Enigma Uno at lumamang kaagad ng may tatlong kabayong agwat, kasunod sa gawing labas si Rock To The East na nirendahan ni Jonathan Flores, pangatlo sa tabing balya si Unafraid na pinatnubayan ni Peter John Guce, pang-apat si A Lop Bam Boom na ginabayan ni Charles Reyes, panlima si Cat’s Whiskers na minaniobra ni John Allyson Pabilic, pang-anim si Sky City na pinatungan ni MIkael De Jesus, habang si Superhawk na sinakyan ni JR Gellada ang bugaw sa simula. Pagsapit sa kalagitnaan ng laban ay bandera pa rin ang paborito na si Enigma Uno, kasunod ng may limang kabayong agwat ang tersero liyamado na si Rock To The East, pangatlo ang segundo liyamado na si Unafraid, pang-apat ang pinakadehado na si A Lop Bam Boom, panlima ng may limang kabayong agwat ang kuarto liyamado na si Cat’s Whiskers, kasabay ang quinto liyamado na si Sky City, habang ang pangalawa sa pinakadehado na si Superhawk ay nanatili sa likuran. Pagdating ng far turn ay namamayagpag pa rin sa harapan si Enigma Uno at makikita ang pagkukusa ng kabayo habang parenda renda lang sa ibabaw si Kelvin, nagkukumahog naman sa paghabol sina Rock To The East at Unafraid, habang kumakaripas sa pang-apat si Cat’s Whiskers. Pagpasok ng home stretch ay solo ayre pa rin si Enigma Uno na hindi man lang nakaramdam ng panganib o pagbabadya mula sa mga kalaban, kaya marami pang lakas ang nailabas ng ating winning horse dahilan upang mas lalo pang mamaga ang kanilang kalamangan. Pumorkas kay Enigma Uno si Rock To The East, pasok sa trifecta si Unafraid at si Cat’s Whiskers ang bumuo sa quartet. Naorasan si Enigma Uno ng tiyempong 0:58.8 (12′-21-25) para sa distansyang 1,000 meter.