Epektibong kampanya ng PNP kontra droga  

ITINUTURING ng Philippine National Police na nagdulot ng matagumpay at epektibong resulta ang kanilang kampanya kontra iligal na droga.

Sa unang dalawang taon na pagsasagawa ng operasyon ay umabot sa P35.6 bilyong halaga ang nakumpiskang illegal drugs.

Batay naman sa nailabas na ulat ay nasa 122,309 katao ang naaresto na may kaugnayan sa kaso ng droga.

Ang nasabing magandang accomplishment ng PNP ay bunsod umano ng epektibong istratehiya sa pagpapatupad ng kampanya laban sa droga.

Isinasaalang-alang din umano ng pambansang pulisya ang kanilang pagtitiyak hinggil sa balanseng pamamaraan sa pagsasakatuparan ng mga operasyon kaakibat ang usapin na may kinalaman sa human rights.

Samantala, nakita rin ang pagbaba sa bilang ng iba pang krimen sa bansa.  

Nabatid na ang total index crimes sa bansa ay bumaba sa 61.87 porsiyento mula Hulyo 1, 2022 hanggang Hulyo 28, 2024.

Mula sa 217,830 insidente ay bumaba sa 83,059 insidente na ikukumpara sa katulad na panahon na 2016 hanggang 2018.

Ang crimes against persons, kabilang ang murder, homicide, physical injuries, at rape ay bumaba sa 55.69 porsiyento. Naitala ang pagbaba ng bilang sa 11,641 na kasong murder; 2,420 homicides, 2,719 rape, at 34,966 physical injuries.

Kaugnay naman sa crimes against property tulad ng robbery, theft, at carnapping, ay nasa 66.81 porsiyento ang ibinaba na mula sa 124,799 ay naging 41,420 kaso lamang sa parehong panahon. RUBEN LACSA