Eskuwelahan, nilooban ng solong kawatan,    

SOLONG kawatan umano ang tumangay ng halos kalahating milyong pisong halaga ng cash at gadget sa mga stay-in na indibidwal sa loob ng eskuwelahan sa Silang, Cavite. 

Inilarawan ang suspek na tinatayang 5″2 hanggang 5″3 ang height, may kapayatan ang pangangatawan, nakasuot ng  itim na full mask bonnet at naka-short.

Sa ulat, bandang alas-3:00 ng umaga naganap ang insidente sa loob ng Camp Prince Technologies sa Purok 2, Brgy Santols, Silang, kung saan mahimbing na natutulog ang mga stay-in na pawang mga instructor sa loob. 

Sa inisyal na imbestigasyon, umakyat umano ang suspek sa entrance gate ng eskuwelahan at pagkapasok ay dumaan sa bintana ng kuwarto kung saan natutulog ang mga biktimang sina Jayson Esporna, 28, programmer; John  Fracee, 34, software developer, 28; Simon Rosas, 28, IT; at Victor Tagupa Jr, 33, IT.

Tinangay ang kanilang cellphone kabilang ang isang unit ng Samsung S21 Ultra, Oppo F1S , Vivo X80 at P13,000 cash ng suspek.

Pagkatapos nito ay lumipat naman sa kabilang kuwarto ang suspek sa pamagita ng pagdaan sa hindi naka-lock na sliding door kung saan natutulog ang mga biktimang si Bernard Vismanos, 30, IT; at Jhunes Encargues, 27, Web Developer, kung saan tinangay ang isang iPhone 15 Pro Max at isang Oppo A95. 

Sa kabuuan, tinatayang P347,000.00 halaga ng gadget at cash ang natangay ng suspek na tumakas matapos ang insidente. 

Nagsagawa ng backtracking ang pulisya sa Closed-Circuit Television (CCTV) sa posibleng dinaanan ng suspek. GENE ADSUARA