Humagupit ng malupit ang imported na kabayo na si Euroclydon sa ginanap na “2023 National Disability Prevention and Rehabilitation Week Race” Condition Race (18) na ikinasa sa karerahan ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) sa Malvar Tanauan City, Batangas. Hindi naging problema sa hineteng si Patricio Ramos Dilema ang pagkakalutsa sa kanyang sakay na si Euroclydon na kahit nabulabog at naagawan ng bandera ay nagawa pa rin makabalik at makalamang sa meta. Sa simula ng laban ay maganda ang naging salida ng ating bida na si Euroclydon dahilan upang mahawakan ang bandera, kasunod ang matulin na si Weather Lang na nirendahan ni Jiger Paano, pangatlo sa gawing labas si Medaglia D’ Amor na pinatnubayan ni John Paul Guce, pang-apat si Hamlet na ginabayan ni Andreu Villegas, kasabay sa tabing balya si Flattering You na lulan ni Kelvin Abobo, pang-anim ng may tatlong kabayong agwat si Gomper Girl na pinatungan ni Claro Pare Jr.,habang si Cat Bell na minaniobra ni Pablito Cabalejo ang bugaw sa simula. Pagsapit ng back stretch ay bandera pa rin ang tersero liyamado na si Euroclydon, ngunit nakalutsa sa kanya ang segundo liyamado na si Weather Lang, maaga naman kumilos ang paborito na si Flattering You upang makapuwesto sa pangatlo, pang-apat ang pangalawa sa pinakadehado na si Medaglia D’ Amor, kasunod ang pinakadehado na si Hamlet, pang-anim ang kuarto liyamado na si Cat Bell, habang ang quinto liyamado na si Gomper Girl ay nalipat sa likuran. Papasok ng far turn ay bumulaga sa gawing labas si Flattering You at walang hirap na inagaw ang bandera kay Euroclydon, nakapirmis naman sa ikatlong posisyon si Weather Lang at umaarangkada sa tabing balya si Hamlet. Pagsungaw ng home stretch ay bumibida na sa unahan si Flattering You na tila tatapusin na ang laban, ngunit hindi pa rin sumusuko si Patty at hinagupit ng todo ang kanyang sakay na si Euroclydon upang hindi makalayo si Flattering You. Sa huling 100 meter ay tuluyan ng nakabalik sa harapan ang ating winning horse at pagdating sa huling 75 meter ay naging klaro na ang kanilang kalamangan. Tinawid ni Euroclydon ang meta ng may isa’t kalahating kabayong agwat laban sa nasegundo na si Flattering You, nagbigay ng magandang dibidendo sa trifecta ang dehado na si Hamlet at si Weather Lang ang bumuo sa quartet. Naorasan si Euroclydon ng tiyempong 1:24 (13′-22′-22′-25′) para sa 1,400 meter race.