Galing at tsamba plus karma

BAWAT tao ay mayroong kakayahan, nagtataglay ng talino at masasabing wala naman talagang bobo.

Pwedeng sabihing bahagyang nakakaangat sa iba pero hindi ito daan upang sabihing bobo ang sa iyong tingin ay nakakahigit ka.

Maaaring mas nakaumang ka dahil ‘sumanib’ o umayon sa iyo ang tsamba.

Hindi ba kapag naglaro ka, sumali sa patimpalak o kahit sa anong pakikibaka na bagaman alam sa sarili na ikaw ay magaling subalit madadaig ng iba dahil sa tsamba.

Magaling kang manira ng kapwa, hindi ito kontes o laro bagkus ay iyong ginagawa.

Bakit mo ginagawa?

Siguro ay galit ka sa iyong kasama at gagawin mo ang lahat upang siya ay ‘matabla’ o maitsapuwera kahit pa ang nakasalalay ay negosyo o hanapbuhay.

Taglay ang galing sa pamamagitan ng ‘mabubulaklak’ na pananalita at nasamahan pa ng tsamba kaya kahit matataas na klase ng tao ay ‘nahahalina’ mo.

Kahit mali ang ‘idinudukdok’ ay nagagawa mong tama sa isipan ng iba.

Para bang ‘nahihipnotismo’ ang kaharap sa kabila na may sinasabing tao o mayroong katungkulan ang iyong kausap.

Natsambahan dahil sukat ba namang ‘napapaikot’ ang kausap para lamang maipabagsak ang kasama o kapwa.

Pero kahit pa nagtataglay ka ng galing na nasasamahan pa ng tsamba basta sa mali ito ginagawa ay mayroong naghihintay na karma.

Maraming sitwasyon o iba-ibang pagkakataon at pangyayari na ang galing at tsamba sa sandaling sa panlalamang sa kapwa o sa kamalian ginagawa ay karma ang kasunod na kabanata.

Sampol tayo ng isa pa, ipinagyayabang na magaling magmaneho ng kahit anong sasakyan.

Sa pagmamaneho ay ‘bara-bara’ na kapag pinuna ay magyayabang pang sasabiihing magaling siyang magdrayb kaya hindi nadidisgarsya.

Dito naman papasok ang katagang tsamba.

Paano kung natsambahan na humantong sa disgrasya na huwag naman sana ay kamatayan pa ang resulta.

Ang taglay nating galing ay gawin sa tama lamang na hindi makakaapekto sa ibang tao.

Mahirap matsambahan, mabuti na lamang kung ito ay good karma.

Ulitin lang natin, ang panlalamang sa kasamahan o kapwa gamit ang galing at tsamba ay karma ang magiging dala.

Naku!

Lalo na kung tayo ay mayroon ding itinatagong ‘baho’ o kabulukan kaya iwasang magmalinis-linisan.

Ang ‘dumi’ ng ating mukha ay magagawang linisin ng ating kasamahan o kapwa.