Gawin bilang pasasalamat  

PAGBATI muna sa inyo ng Maligayang Pasko at medyo may katanungan lamang.

Isa ka ba sa nakabuo ng Simbang Gabi? Nakumpleto ba ang siyam na sunod na gabi?

O baka naman ‘simbang tabi’ lamang na kaya pursigido ay dahil sa barkadahan.

Hindi naman masama kung kasama ang barkada o tropa subalit sana ay ginawang taimtim sa oras ng misa.

Mayroon kasi na ang iba ay mistulang bonding lamang ang Simbang Gabi at kahit nasa simbahan ay wala sa misa ang atensiyon kundi ang pagkukuwentuhan.

Pero maiba tayo, naririnig natin sa ilan ang isa kanilang dahilan kaya hinahangad na mabuo ang siyam na Simbang Gabi.

Sinasabi nila na kapag nabuo ang Simbang Gabi ay magkakaroon ng katuparan ang hiling.

Ikaw ba na nakumpleto ang siyam na sunod na Simbang Gabi, ano ang iyong wish?

Nangyari man o hindi ang iyong wish ay batay iyon sa kapasyahan ng Diyos.

Kung wish granted o hindi nakuha ang hiling ay dahil may dahilan ang Diyos.

Marami pang darating na Simbang Gabi at ang mahalaga ay nakakadalo tayo sa misa.

Alisin sana ang paniniwalang matatamo ang kahilingan kapag nabuo ang Simbang Gabi bagkus gawin ito bilang pasasalamat.