Ginang, Ninakawan na Tinodas pa ng ‘Katiwaldas’

MAY laslas sa leeg at wala ng buhay na natagpuan ang 58-anyos na ginang sa loob ng kanilang bahay sa Bacoor City, Cavite Sabado ng madaling araw.

Kinilala ang biktima na si Felicitas Policarpio Soriano, may live-in partner, ng Block 21 Lot 45 Beige St. Camella North Springville, Brgy. Molino 3 Bacoor City.

Pinaghahanap ng pulisya ang suspek na si Patrick John Manabat Gonzales, 21, stay in helper, at residente ng Brgy. Agnaya, Plaridel, Bulacan na tumakas matapos ang insidente.

Sa naantalang report, dakong alas-6:00 Sabado ng umaga nitong February 11 ay natagpuan ni Leonor Giducos ang biktima na wala ng buhay sa loob ng kuwarto.

Bago ang pagpatay ay nanghihiram umano ng pera ang suspek sa biktima subalit hindi pinagbigyan.

Ang suspek ay tatlong linggo pa lamang na naninilbihan bilang stay in helper sa tindahan ng anak ng biktima.

Matapos ang pagpatay, tumakas ang suspek dakong alas-4:00 ng madaling araw subalit nakuhanan ng Closed Circuit Television (CCTV) ang pagtakas nito dala ang kanyang mga gamit at tangay din umano ang pitaka ng biktima.

Positibo rin ang pagkakakilanlan sa suspek dahil sa bakas ng dugo mula sa pinangyarihan ng insidente gayundin ang t-shirt nito na may bahid ng dugo at itinapon sa isang creek, may ilang metro ang layo mula sa crime scene.

Nabatid na kaarawan din ng biktima ng naganap ang trahedya. GENE ADSUARA