GOLDEN SUNRISE, KUMINANG AT NAGPASIKAT !

Nagpasikat ang kabayong si Golden Sunrise matapos kuminang sa ginanap na PHILRACOM Ratings Based Handicapping System (RBHS) Class 3 & 4 (34-39 / 40-46 Merged) na pinakawalan sa karerahan ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) sa Malvar Tanauan City, Batangas. Tantyado ng hineteng si Pablito Cabalejo ang kanyang sakay na si Golden Sunrise na rumemate ng todo at eksakto upang makabuo ng panalo. Sa largahan ay nakauna sa paglundag si Ambisioso na pinatungan ni Jerico Serrano, kasabay sa gawing loob si Biglang Buhos na pinatnubayan ni Conrad Henson, ngunit agad naman na umarangkada sa gawing labas ang matulin na si Palauig na lulan ni Elvin Abrea upang mahawakan ang bandera, pang-apat ang ating bida na si Golden Sunrise, panlima si Sari Baby na nirendahan ni CB Ardona, habang ang kulay abo na kabayo na si Elegant Lady na ginabayan ni Adrian Bufete ang kulelat sa simula. Pagpasok sa medya milya (800 meter) ay ang kuarto liyamado na si Palauig pa rin ang nagdidikta sa unahan, kasunod ang paborito na si Ambisioso, pangatlo ang pinakadehado na si Biglang Buhos, pang-apat ang tersero liyamado na si Elegant Lady, kasunod ang segundo liyamado na si Golden Sunrise, habang ang quinto liyamado na si Sari Baby ang nalipat sa likuran. Pagsapit sa tres oktabos (600 meter) ay bahagya pang nakalayo sa unahan si Palauig, habang pinipilit ni Ambisioso na magpainit upang makadikit sa harapan, umaarangkada naman sa ikatlong puwesto si Elegant Lady at bumubulusok sa ika-apat na posisyon ang winning horse na si Golden Sunrise. Pagpihit sa home stretch ay si Palauig pa rin ang may tangan ng bandera, ngunit dumidikit na sa gawing labas si Ambisioso at si Elegant Lady sa tabing balya, habang nagbabadya sa bandang gitna si Golden Sunrise. Sa huling 150 meter ay halos magpantay na sa unahan sina Palauig At Golden Sunrise kaya binagsakan na ng todo ni Pabz ang kanyang sakay, kaya pagdating sa huling 100 meter ay naging klaro na ang kanilang kalamangan at tinapos ang laban ng may halos dalawang kabayong agwat. Sumegundo kay Golden Sunrise si Ambisioso, tersero si Palauig at si Elegant Lady ang pumang-apat. Naorasan si Golden Sunrise ng tiyempong 1:41 (25′-23′-23′-28′) para sa isang milyang distansya o 1,600 meter.