GOMEZIAN, ANGAT SA LABAN!

Umangat ang talento ng super mega outstanding favorite na kabayo na si Gomezian matapos manalo noong nakaraang linggo sa ginanap na Condition Race (10 Merged) na inilarga sa karerahan ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) sa Malvar Tanauan City, Batangas. Hindi nagpabaya ang hineteng si Oneal P. Cortez sa ibabaw ng kanyang sakay na si Gomezian na nagtrabaho ng maaga upang makapitan at hindi makalayo ang de bandera na si Gusto Mucho. Sa pagbukas ng aparato ay bumandera antimano ang matulin na si Gusto Mucho na ginabayan ni Kelvin Abobo, kasabay si Charm Campaign na pinatungan ni Elvin Abrea, pangatlo sa tabing balya ang ating bida na si Gomezian, pang-apat ang hindi maganda ang naging salida na si Runawayfromrosenot na pinatnubayan ni Rico Suson, habang si Bombay Nights na nirendahan ni John Alvin Guce ang kulelat sa umpisa. Pagliko sa unang kurbada ay inagapayan kaagad ni Gomezian si Gusto Mucho upang hindi makalayo sa harapan. Pagpasok sa medya milya (800 meter) ay halos magpantay sa unahan ang paborito na si Gomezian at ang segundo liyamado na si Gusto Mucho, pangatlo ng may anim na kabayong agwat ang pinakadehado na si Charm Campaign, bumubulusok naman sa ika-apat na puwesto ang tersero liyamado na si Bombay Nights, habang ang kuarto liyamado na si Runawayfromrosenot ang nalipat sa likuran. Pagsapit sa far turn ay nahawakan na ng winning horse na si Gomezian ang bandera, ngunit hindi pa rin bumibitaw si Gusto Mucho sa unahan, at kumakaripas sa ikatlong posisyon si Bombay Nights. Pagdating sa home stretch ay tuluyan ng naiwanan ni Gomezian ang nauupos na si Gusto Mucho, habang nagbabadya naman sa tabing balya ang matulis na pagremate ni Bombay Nights, ngunit nabigong malampasan ang mahusay na si Gomezian. Sumegundo kay Gomezian ang nabitin na si Bombay Nights, tersero ang dehado na si Charm Campaign, at si Gusto Mucho ang pumang-apat. Naorasan si Gomezain ng tiyempong 1:39.6 (26′-23-23-27) para sa isang milyang distansya o 1,600 meter.