SA pagtatapos ng kasalukuyang taon ay ganap na ang pagsasara sa operasyon ng nasa 41 Philippine Offshore Gaming Operators.
Goodbye POGO na talaga batay sa binanggit ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. nitong Hulyo sa kanyang State of the Nation Address.
Bunsod sa naturang kautusan ng Pangulo ay ang pagbuo ng Task Force POGO Closure.
Kinabibilangan ito ng Department of Justice, Department of Labor and Employment, Presidential Anti-Organized Crime Commission at Bureau of Immigration.
Ang mga dayuhang manggagawa ng POGO ay binigyan lamang ng hanggang Oktubre 15 para makaalis na ng Pilipinas.
Nakahanda naman ang task force sa pagpapatupad ng maayos at sistematikong pamamaraan para sa pagbabawal ng POGO.
Nakaalalay ang DOLE sa mga kababayan nating apektado na mawawalan ng trabaho.