Muling naghari ang top favorite at defending champion na si Boss Emong sa katatapos na 2023 Araw ng Maynila “Gran Copa De Manila” na ginanap noong June 24 sa pista ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) sa Malvar Tanauan City, Batangas. Mahusay ang naging diskarte ng hineteng si Jeffril Tagulao Zarate sa ibabaw ng kanyang sakay na si Boss Emong na nagpamalas ng kamangha- manghang bilis at kahit nabulabog sa unahan ay napanatili pa rin ang lakas para pamunuan ang Gran Copa De Manila sa ikalawang sunod na taon. Sa pagbukas ng aparato ay bumandera antimano ang ating bida na si Boss Emong, ngunit agad naman siyang kinapitan sa gawing labas ni (2a)Life Gets Better na nirendahan ni Rico Suson, pangatlo sa tabing balya si Gomezian na pinatungan ni Oneal Cortez, kasunod si (2)Jungkook na minaniobra ni Pablito Cabalejo, panlima si (3a)Robin Hood na pinatnubayan ni Jomer Estorque, pang-anim si (3)Magtotobetsky na ginabayan ni Jeffrey Bacaycay, habang si Don Julio na lulan ni Ryan Base ang bugaw sa largahan. Gumamit ng eksplosibong panimula si Boss Emong upang makauna, ngunit agad naman siyang hinabol ni (2a)Life Gets Better para guluhin sa harapan. Pagsapit sa back stretch ay hawak pa rin ng liyamadong si Boss Emong ang bandera, ngunit patuloy pa rin ang paglutsa sa kanya ng kuarto liyamado na si (2a)Life Gets Better, pangatlo ng may pitong kabayong agwat ang quinto liyamado na si Gomezian, kasabay sa gawing labas ang segundo liyamado na si Don Julio, panlima ang kacouple runner ni (2a)Life Gets Better na si (2)Jungkook, pang-anim ang tersero liyamado na si (3)Magtotobetsky, habang ang kacouple runner nito na si (3a)Robin Hood ang nalipat sa likuran. Pagtungtong sa medya milya (800 meter) ay nagsimula ng pitikin ni Jeff si Boss Emong upang makalayo sa unahan, pinipilit naman ni (2a)Life Gets Better na manatili sa ikalawang posisyon at nagpapainit na rin si Don Julio sa ikatlong puwesto. Pagdating sa far turn ay bahagya pang nakalayo sa harapan ang winning horse na si Boss Emong at pagpasok sa home stretch ay meron ng matatag na kalamangan si Boss Emong kaya hindi na umubra ang pagremate ni Don Julio. Tinawid ni Boss Emong ang meta ng may kalahating kabayong agwat laban sa nabitin na si Don Julio, tersero si (2)Jungkook at si (3)Magtotobetsky ang pumang-apat. Pumoste si Boss Emong ng tiyempong 1:39 (25-22′-24-27′) para sa distansyang 1,600 meter sapat upang hamigin ng winning horse owner na si Kennedy Morales ang premyong P600,000 bilang kampeon. Kumubra din ang koneksyon ni Don Julio ng P225,000 bilang 2nd placer at nakapag-uwi din sina (2)Jungkook at (3)Magtotobetsky ng P125,000 at P50,000 bilang 3rd at 4th placer. Matatandaan na si Boss Emong din ang nagkampeon sa ginanap na 2022 PHILRACOM “Gran Copa De Manila”. Sa iba pang karera ay nagkampeon din ang kabayong si Cluster na sinakyan ni Adrian Bufete sa ginanap na 2023 Araw ng Maynila “Gran Copa De Manila Division II”. Nirehistro ni Cluster ang tiyempong 1:40.6 (25′-23′-23′-28) para sa distansyang 1,600 meter. Congrats sa mga nagwaging kabayo noong Araw ng Maynila.