HAPPY JULLIANE, NAKADEHADO!  

Dehado ang bumungad noong nakaraang linggo matapos manalo ang kabayong si Happy Julliane sa ginanap na PHILRACOM Ratings Based Handicapping System (RBHS) Class 5 (5 Split) na ikinasa sa karerahan ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) sa Malvar Tanauan City, Batangas. Hindi sumuko ng basta basta ang hineteng si Yeeson Bautista sa ibabaw ng kanyang sakay na si Happy Julliane na nakipagbaragan sa rektahan upang makabalik at makasilat sa laban. Sa pagbukas ng aparato ay bumandera antimano ang ating bida na si Happy Julliane, habang nakabuntot sa kanya ang segundo liyamado na si Double Strike. Pagdating ng medya milya ay si Happy Julliane pa rin ang nagdidikta sa harapan, kasunod pa rin si Double Strike, pangatlo ang paborito na si Mettle Strength at nagkumpulan sa likuran sina Dollarama, Douglas Fir at Princess Belle. Pagsapit ng far turn ay hawak pa rin ni Happy Julliane ang bandera, nagkukumahog naman sa ikalawang puwesto si Double Strike at sabay na umaarangkada sina Mettle Strength at Dollarama. Pagpasok ng home stretch ay nakalalamang pa rin ng bahagya si Happy Julliane ngunit sadyang malakas ang pagremate nina Mettle Strength at Dollarama kaya paglagpas ng huling 200 meter ay halos magpantay na silang tatlo sa unahan. Sa huling 100 meter ay nakaungos ng bahagya si Mettle Strength ngunit hindi sumuko si Yeeson at kinayog ng todo ang kanyang sakay dahilan upang makabalik at makauna ang winning horse sa meta. Dikit na sumegundo si Mettle Strength, tersero si Dollarama at si Double Strike ang pumang-apat. Naorasan si Happy Julliane ng tiyempong 1:29.6 (14-23′-24-28) para sa distansyang 1,400 meter.