Hotel management, dapat mahigpit    

ISANG babae at isang lalaki ang pumasok ng hotel at sila ay binigyan ng kanilang silid.

Mga ilang oras ay bumaba ang lalaki at nagpaalam sa receptionist ng hotel na siya ay lalabas lamang upang makabili ng pagkain.

Ikinatwiran ng receptionist na bilang regulasyon ng hotel ay kailangang ipaalam o matawagan ang kasamang babae sa gagawing paglabas ng lalaki.

Balisa si lalaki at walang kaabug-abog na biglang umalis kaya inakyat ng hotel employee ang kuwarto ng dalawa.

Ang bumulaga o nadatnan ay ang duguang babae na nakahiga sa kama at wala ng buhay.

Nakita sa tabi ng bangkay ng babae ang isang patalim na hinihinalang ginamit sa pagpatay.

Isang bag pack na dala ng lalaki pagpasok ng hotel at isang pagkakakilanlan na doon nakita ang address nito.

Mabuti naman at mayroong pagkakakilanlan at address para sa pagtugis ng pulisya upang mabigyan ng katarungan ang ginawang krimen ng lalaki sa kasamang babae sa hotel.

Katanungan lamang, ang pinasukan bang hotel ay hindi hiningian ng identification ang dalawa?

Mayroong mga hotel o motel na bago tumanggap ng check-in ay kailangang magpakita ng ID ang magkasama at kailangang sulatan ang form na ibibigay sa kanila.

Sa naturang form ay makikita roon ang full name ng magkasamang papasok ng hotel gayundin ang address, contact number at iba pang details.

Kung walang ganoon doon sa pinasukang hotel ng lalaki at babae ay mayroong pananagutan ang pamunuan.

Sakaling walang ganoon doon at halimbawang hindi rin nakapag-iwan ng gamit ang lalaki ay paano na ang paglutas sa krimen.

Dapat ay maging mahigpit ang bawat hotel or motel management.

Pasulatin sa form at tingnan ang valid ID kung tama o magkatugma ang ilalagay.

Kung ayaw sumunod ng papasok o magtse-check-in ay huwag tanggapin at papasukin.

Ano sa palagay ninyo?