TINAMBANGAN ng riding in tandem ang inhinyero at tsuper nito sa Isulan, Sultan Kudarat kamakailan.
Sinusulat ito ay nasa maayos ng kondisyon ang 38-anyos na si Amaroden Esmael, engineer mula sa provincial government ng Ampatuan, Maguindanao del Sur subalit ang driver nitong si Amelon Asmodin, 30, ng Koronadal City, ay patuloy na nilalapatan ng lunas sa pagamutan.
Naganap ang naturang ambush sa kahabaan ng national highway sa Barangay Kalawag 2 dakong alas-10:30 ng umaga.
Ang mga biktima ay lulan ng itim na sasakyang pickup na patungong provincial capitol sa Buluan, Maguindanao del Sur at umano’y biglang bumulaga ang dalawang salarin na magkaangkas sa motorsiklo kasunod ay ang isinagawang pamamaril.
Sa ulat ay minor injuries lamang ang natamo ng inhinyero habang ang tsuper nito ay mayroon umanong tama ng bala ng baril sa ulo.
Nabatid na sa kabila ng kalagayan ng driver ay pinilit at nagawa pa rin nitong imaneho ang sasakyan papuntang provincial hospital na umano’y halos isang kilometro ang layo.
Sa pagresponde ng mga awtoridad sa pinangyarihan ng insidente ay nakuha ang tinatayang anim na basyo ng bala ng kalibre 45 na baril.
Patuloy sa imbestigasyon ang pamunuan ng Isulan municipal police sa nasabing krimen. RUBEN LACSA