LANDSLIDE, RUMAGASA!

Rumagasa at naminsala ng taya ng mga liyamadista ang bahagyang nadehadong kabayo na si Landslide matapos manalo sa pambungad na karera na Philracom Ratings Based Handicapping System (RBHS) Class 3 (40-46) na ginanap noong nakaraang linggo sa karerahan ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) sa Malvar Tanauan City, Batangas. Dumiskarte ang hineteng si Jomer M. Estorque sa ibabaw ng kanyang sakay na si Landslide na hindi nagpaiwan upang makabuwelo at makasilat sa laban. Sa largahan ay halos sabay sabay na nakalundag ang mga kalahok, ngunit agad na umarangkada ang matulin na si Asiong na pinatungan ni John Santiago upang makapagtimon sa unahan, kasabay sa gawing labas si Fortissimo na pinatnubayan ni John Alvin Guce, pangatlo ang ating bida na si Landslide, pang-apat sa tabing balya si Biglang Buhos na lulan ni Rey Adona, panlima ang kaisa-isang babaeng kalahok na si La Vie D’Or na nirendahan ni Jiger Paano, habang si Medaglia D’Amor na ginabayan ni John Paul Guce ang kulelat sa umpisa ng laban. Sa simula ay nakabuntot lang si Landslide sa likuran habang naghihintay ng magandang tiyempo. Papasok sa medya milya (800 meter) ay ang kuarto liyamado na si Asiong pa rin ang may hawak ng bandera, kasunod pa rin ang segundo liyamado na si Fortissimo, pangatlo ang pinakadehado na si Biglang Buhos, pang-apat ang tersero liyamado na si Landslide, panlima ang quinto liyamado na si La Vie D’Or, habang ang paborito na si Medaglia D’Amor ay nanatili sa likuran. Pagsapit sa tres oktabos (600 meter) ay nagsimula ng lutsahin ni Fortissimo si Asiong sa unahan, ngunit ayaw pa rin bitawan ni Asiong ang bandera kaya naging matindi ang kanilang banatan, habang unti-unting dumidikit ang winning horse na si Landslide sa ikatlong puwesto. Pagpihit sa huling kurbada ay nakahilera na sa harapan sina Fortissimo sa gawing labas, Asiong sa bandang gitna at Landslide sa gawing loob, ngunit nakalalamang pa rin ang astig na si Asiong. Pagsungaw sa rektahan ay nasa unahan pa rin si Asiong habang nakapasok naman sa tabing balya o swak sa balya si Landslide kaya nagpantay na sila sa harapan. Pagtungtong sa huling 150 meter ay hindi na tinantanan ni Jomer sa pagpalo si Landslide kaya pagdating sa huling 100 meter ng laban ay naging klaro na ang kanilang kalamangan at tinawid ang meta ng may dalawang kabayong agwat. Pumorkas kay Landslide si Fortissimo, pasok sa trifecta si Asiong at si Medaglia D’Amor ang bumuo sa quartet. Nirehistro ni Landslide ang tiyempong 1:40.2 (25′-23-24-28) para sa distansyang 1,600 meter.