Sa pag-obserba ng National Zero Waste Month, muling nanawagan si Senador Loren Legarda sa mga Pilipino na tangkilikin ang mga materyales na puwede pa muling magamit, pati na ang mas pagiging responsible sa pagtatapon ng basura.
Ayon kay Legarda, na nagtataguyod ng climate justice, mahalagang umpisahan na ang aktibidad na ito upang maiwasan ang permanenteng pagkasira sa kalikasan.
“Laging nababansagan ang Pilipinas bilang isa sa pinakamalaking ocean polluters sa mundo, dahil sa ating paggamit ng single-use plastics,” ani Legarda.
“Dapat nating wakasan ang paggamit nito, at maging malikhain upang makagawa ng mga pangmatagalang gamit,” dagdag niya.
Inoobserba ang National Zero Waste Month kada Enero sa bisa ng Proclamation No. 760, s. 2014, na pinirmahan ni dating Pangulong Benigno S. Aquino III.
Lahat ng ahensiya ng pamahalaan ay hinihikayat na suportahan ito at makilahok sa mga aktibidad ukol dito.
“Nawa ay manguna ang ating pamahalaan sa pagbibigay ng mga makabagong paraan para sa mga pang araw-araw na kagamitan,” wika ng senadora.
“Dito natin makakamit ang pangarap nating maging circular economy sa pagdating ng taong 2030.”
Kabilang sa mga pinakamahalagang batas ukol sa kalikasan ay ipinasa ni Legarda — ang Republic Act 9003, o ang Ecological Solid Waste Management Act.
Ipinagbabawal ng batas ang pagsusunog ng basura at nagtakda ito ng mga mas mabisa at environment-friendly na mga paraan ng pagtatapon ng basura, kabilang ang pagse-segregate, pati sa pagtatakda ng mga programang katulad nito sa local na pamahalaan.