MADAME RUBY, NAKASILAT!  

Nanlata ang mga liyamadista matapos masilat ng dehadong kabayo na si Madame Ruby ang outstanding favorite na si Lady Louise sa ginanap na 3 Year Old & Above Maiden Race na pinakawalan sa karerahan ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) sa Malvar Tanauan City, Batangas. Nirendahan ng hineteng si Patricio Ramos Dilema ay mala-kidlat na rumemate si Madame Ruby upang gulatin at pataubin ang mga katunggali. Sa simula ay sinunggaban kaagad ni Star Of The Show ang harapan, kasunod ang paborito na si Lady Louise, habang nasa ikalimang posisyon ang bida na si Madame Ruby. Pagsapit ng medya milya ay nagmamadaling inagaw ni Lady Louise ang unahan kay Star Of The Show, habang kinuha naman ni Madame Ruby ang ikatlong puwesto. Papalapit ng far turn ay unti-unti nang lumalayo si Lady Louise kaya nagsimula ng rumemate si Madame Ruby upang makadikit sa harapan. Papasok ng home stretch ay walang hirap na sinikwat ni Madame Ruby ang bandera kay Lady Louise at pagdating ng rektahan ay patuloy pa rin sa pag-arangkada si Madame Ruby. Nagbabadya pa sana na muling makabalik si Lady Louise ngunit hindi na ito pinabuwelo ng winning horse. Pumorkas kay Madame Ruby si Lady Louise, pasok sa trifecta si Official Seal at si Star Of The Show ang bumuo sa quartet. Naorasan si Madame Ruby ng tiyempong 1:29 (13′-23-24′-28) para sa 1,400 meter race.