ILANG araw bago ang pagsapit ng Mother’s Day nitong Mayo 14 ay mayroong isang anak sa Cavite na tinangkang saksakin ang kanyang sariling ina.
Nagwala ang anak at kumuha ng patalim na binalak pang saksakin ang nanay niya.
Mabuti na lamang at umawat ang ilang kasama sa bahay at napigilan ang tangkang pananaksak.
Lahat tayo ay dumarating sa mundo dahil sa ating magulang partikular sa ina na pagkaraan ng siyam na buwan sa kanyang sinapupunan ay kasunod ang pagluwal.
Ina ang nagbigay ng buhay kaya labis na nakakalungkot na tayong anak pa ang magbabalak para patayin siya.
Gumugulong lamang ang buhay, magiging anak at darating ang panahon na ang anak ay nagiging ina o ama rin.
Iyan ay kung mag-aasawa o bubuo ng isang pamilya at kapag pinalad na magkakaroon ng anak ay mararanasan din ang pagiging ina o mabulang.
‘Ika nga ng mga matatanda, ang ginagawa ng anak sa ina o magulang ay maaaring gagawin din ng magiging anak nito kapag naging nanay o tatay na rin.
Sa halip na batiin ang nanay dahil bago ang insidenteng iyon ay papalapit na ang Mother’s Day pero karahasan ang binigay ng anak sa ina.
Huli man ay malugod nating binabati ang lahat ng nanay ng belated Happy Mother’s Day at maging sa mga ama na tumayo na rin bilang ina ng anak.
Kumusta na kaya ang anak na iyon dahil nagpasya ang ina na kasuhan at ipakulong ang kanyang sariling anak pagkatapos ng insidente.
Kung sakaling ganoon na nga ang pasya ng ina ay malamang na mayroon siyang sapat at tamang dahilan.