SARAP ng pagkukuwento ni Pedro at sadyang ibinibida na mahusay ang pangulo.
Hindi lamang ang pangulo kundi maging ang mga opisyales nito ay pawang magagaling din.
Teka! Hindi si President Bongbong Marcos Jr. ang binabanggit na pangulo.
Tama na presidente ang tinutukoy ni Pedro subalit pangulo lamang ng isang samahan.
Bilib si Pedro sa pangulo pati sa mga opisyales ng asosasyon dahil maayos na nagagampanan ang kanilang mga tungkulin.
Siyempre bilang opisyal lalo at bilang pangulo ay nararapat gawin ang responsibilidad.
Hindi lamang display o dekorasyon ang ano mang katungkulan sa samahan bagkus ay kaakibat ang paggawa.
Bawat isa ay mayroong sariling hanapbuhay o pinagkakaabalahan subalit pinasok ang tungkulin sa organisasyon ay tama lamang na pag-ukulan din ng oras o panahon.
Sa gitna ng kuwentuhan ay may ilan na kasapi ng samahan na sumabat sa usapan.
Aprubado naman sa kanila ang mga ginagawa ni pangulo sa asosasyon nila.
Tanging puna lamang nila ay tila may ‘sinisino’ o napapaboran si pangulo.
Ganyan naman yata talaga, mukhang hindi na maiaalis sa atin ang kulturang ito.
Kumbaga ay tropa-tropa at buwenas ang malalapit sa pamunuan lalo na sa pangulo.
Maliit o malaki man na samahan basta tandaan na ang pangulo ay maaaring maipaalis sa puwesto.
Alam naman natin ‘yan ‘di ba?