MAID FOR TROUPPEI, NAGPASIKAT!

Nagpasikat ng todo ang outstanding favorite na kabayo na si Maid For Trouppei matapos manalo sa ginanap na 3 Year Old & Above Maiden Race na ikinasa sa karerahan ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) sa Malvar Tanauan City, Batangas. Naging agresibo si jockey Kelvin Abobo sa ibabaw ng kanyang sakay na si Maid For Trouppei upang makalayo ng todo at masiguro ang panalo. Sa umpisa ay nakauna sa paglundag ang pinakadehado na si Bright Mind, ngunit agad na umarangkada si West Of The East upang mahawakan ang bandera, habang nasa likuran ang paborito na si Maid For Trouppei dahil sa hindi magandang salida. Pagsapit ng back stretch ay si West Of The East pa rin ang nagdidikta sa harapan, habang kusang bumubulusok si Maid For Trouppei sa bandang gitna kaya maagang nakadikit sa unahan ang ating bida. Papasok ng far turn ay walang hirap na inagaw ni Maid For Trouppei ang bandera sa nauupos na si West Of The East, habang kumakaripas sa ikatlong puwesto si American Ford at sabay na rumeremate sina Bright Mind at Chelsea. Sa far turn ay hindi na maawat sa pag-arangkada ang winning horse kaya pagdating ng home stretch ay tuluyan nang namaga ang kalamangan ni Maid For Trouppei. Sumegundo kay Maid For Trouppei si American Ford, tersero si Bright Mind at si Chelsea ang pumang-apat. Nirehistro ni Maid For Trouppei ang tiyempong 1:29.6 (14-23-23′-29) para sa distansyang 1,400 meter.