AMININ at tanggapin na sadyang nakararami ang pinaglalaruan lamang ang batas at hindi ito kinatatakutan.
Sa pagmamaneho na lamang na kitang-kita naman na binabalewala ng ilang driver ang mga kaukulang batas-trapiko.
Batas iyan na may kinalaman sa pagmamaneho o sa trapiko pero bakit maraming tsuper na abusado at barumbado.
Dagdag pa riyan ang napakaraming nagmamaneho naman ng single motorcycle na kung tawagin ay kamote rider.
Matatapyasan kaya ang tapang ng mga tsuper at rider sa napakalaking multang pataw sa mga tatahak sa EDSA busway?
Maaaring may magandang bunga ito dahil bukod sa mataas na penalty ay kakahantungan pa sa pagreboka ng lisensiya.
‘Wag lang tuon sa EDSA bagkus sa lahat ng panig ng kalsada ay ipataw ang mataas na parusa bilang panlaban sa mga abusado at bumabastos sa batas.
May mga nakausap naman tayo tungkol naman sa mga tumatayong testigo subalit walang katotohanan ang ibinibigay na salaysay na nagiging dahilan ng pagkakakulong ng inaakusahan sa kabila na wala naman talagang kasalanan.
Pagkatapos sa bandang huli ay babawiin ang naunang testimonya.
Dapat sa mga ganyang klase ay mas mabigat na parusa dahil sumisira ng buhay ng iba na nagdurusa dahil sa walang katotohanang paratang.
Sabi lang nila iyan!