MISTERYO SA BUHAY NATIN…

TUWING sasapit ang panahon ng Semana Santa o itong tinatawag na “Holy Week” maraming mga gawain pang-relihiyon, pang-espirituwal na nagbubukas ng ating mga isip, puso at pisikal na pangangatwan sa mga misteryo sa ating buhay.

 

Pagpasok pa lang ng Linggo ng Palaspas, ang ilan sa ating mga kababayan ay nagsisimula na sa paglalakad, pagsasakripisyo at pag-akyat sa bundok. Ang iba simula pa nuong Ash Wednesday at tuwing mga Biyernes nitong panahon ng Kwaresma ay nagtitika na, nag-aayuno at iba pang gawain na pinaniniwalaang nakatutulong sa ating Buhay Espirituwal o Buhay na May kaugnayan sa Diyos.

 

Tatlo ang sangkap ng ating Buhay Pananampalataya pagdating sa paggunita sa Passion, Death at Resurrection ng ating Panginoong Hesukristo. Ang mga ito ay Panalangin, Pagbabalik-loob sa Diyos at Paggawa ng Mabuti sa Kapwa.

 

Sa mga panahong ito, mas mainam na pag-ibayuhin natin ang Panalangin, pakikipag-usap sa Diyos tingnan kung ano ba talaga ang Kagustuhan ng Diyos na mangyari sa iyong Buhay. Ang iyong mga Plano ba sa buhay ay naaayon sa talagang Plano ng Diyos? Nakikinig ba tayo sa Diyos o inuutusan natin ang Diyos para Siya ang sumunod sa mga kagustuhan at kapritso natin?

 

Kailan ba tayo gumawa ng Mabuti sa Kapwa? Kahit naman hindi Semana Santa ay kinakailangan ginagawa natin ang mga ito.. katulad na lamang ng Rotary Club of Metro East Caloocan sa pakikipag-tulungan ng Caloocan City Police Station sa Pamumuno ni PCOL RUBEN LACUESTA at ng Station Advisory Group for Police Transformation and Development ng Caloocan City Police Station na pinamumunuan ni Ginoong Manny Tan ay nagkaroon ng Outreach Program upang matulungan ang mga ordinaryong mamamayan sa Barangay 29 nuong ika-29 ng Marso 2023. Ang Corporal Works of Mercy na nahahati sa dalawang kategorya… una, ang mga gawang espirituwal katulad ng pagtuturo ng tama, pagpapayo, pag aaliw o pagbibigay aliw sa mga nalulumbay gayundin ang matiyagang pagpapatawad at pagtitiis sa mga pagkakamali ng ating kapwa. Ang mga gawaing pangkatawan ng awa naman ay binubuo ng mga sumusunod, ang pagpapakain sa mga nagugutom, pagkupkop sa mga walang tirahan, pagbibihis o pagbibigay damit sa mga hubad, pagdalaw sa mga maysakit at naka-bilanggo at paglilibing sa mga patay.

 

At ang kinakailangan na binibigyan din natin ng kahalagahan ay ang pagbabalik-loob sa Diyos, sa Simbahan at sa ating Kapwa.. kaya nga kapag ikaw ay nangumpisal sinasabi sa iyo ng pari ang mga katagang “through the ministry of the Church, may God give you pardon and peace” dahil tanging sa pamamagitan lamang ng Sakramento ng Pakikipag-kasundo o ng Kumpisal natin lubos na mararansasan ang Kapayapaan kapag natanggap na natin ang Kapatawaran ng Diyos sa ating mga Kasalanan.

 

Ang mga nabanggit ay bukod pa sa mga umano’y paniniwala at pamahiin ang mga Pilipino na sinusunod tulad ng bawal ang maligo; bawal bumiyahe sa Biyernes Santo; huwag gumala kapag Sabado de Gloria at iba pa.