DAHIL sa tulong ng soial media ay naaaresto ang lalaking tumangay ng motorsiklo ng isang ginang matapos ipangalandakan ang mukha nito sa Facebook sa Dasmarinas City, Cavite.
Kasong paglabag sa RA 10883 (New Anti Carnapping Act of 2016 ang kinaharap ng suspek na si alyas Larry , 42, binata, ng 105 Javalera Proper, Brgy. Javalera, General Trias City, dahil sa reklamo ni Stephanie, may-asawa, negosyante, ng Valle Verde Subd., Brgy Langkaan 2, Dasmarinas City.
Sa ulat, naiwan ng biktima sa mesa ang susi ng motorsiklo na nakaparada sa harapan ng kanyang restaurant sa Block 15 Lot 6 Pistacho St., Phase 2 Valle Verde Subd., Brgy Langkaan 2, Dasmarinas City.
Binalikan niya ang susi pero wala na sa lamesa maging ang kanyang motorsiklo bandang alas-2:00 Huwebes ng hapon.
Agad na pinanood ang Closed Circuit Television (CCTV) footage at nakuhanan ang mukha ng suspek at kung paano nito tinangay.
Agad nag-post ang biktima sa kanyang social media account ng litrato ng lalaking tumangay ng motorsiklo at agad na may nag-message kung saan nito makikita ang lalaki.
Nakipag-ugnayan ang biktima sa pulisya kung saan pinuntahan ang binanggit na lugar at nakita ang motorsiklo at naaresto rin ang suspek. GENE ADSUARA