ARAW-araw ay nakakaranas tayo ng pagkamatay at muling pagkabuhay.
Sa ating pagtulog ay mistula tayong patay at maghihintay na lamang sa pagkagising.
Kinabukasan mula sa mahimbing na pagkakatulog ay gigising para sa panibagong araw.
Mapalad sa pagkakagising dahil iyon ay muling pagkabuhay na ipinagkaloob ng Panginoong Diyos.
Ginising tayo mula sa pagkakatulog dahil ang Diyos ay may misyon pang ibinibigay sa atin dito sa ibabaw ng mundo.
Hindi pa binabawi ang ipinahiram na buhay bagkus ay hinahayaan pa tayong nabubuhay.
Ang muling pagkabuhay o ang pagkakagising ay isang napakalaking biyaya na para sa atin na ipinagkakaloob ng Panginoon.
Hindi ba nababasa o nakikita natin minsan ang katagang ‘in every gising, is a blessing’ na dumadaan sa wall ng ating mga Facebook account.
Tama, ginising tayo para sa panibagong yugto ng ating buhay na dapat ay pinasasalamatan at pinapahalagahan.
Muli tayong nabuhay at nagising na para ano?
Para ba muling gumawa ng mga pagkakasala o ituwid ang mga mali o kasalanang ating nagawa?
Nakikita rin natin sa FB post ang katagang ‘life is very short kaya enjoy lang dapat.’
Tama na naman, sadyang napakaigsi lamang ng ating buhay na kailangang matamasa o natatamasa natin ito habang nabubuhay.
Pero dapat ay ginagawa ito ng wasto o tamang pamamaraan na hindi ‘nakakasagasa’ o nakakasakit ng kapwa.
Hindi tayo Diyos at dahil tao lamang ay nakakagawa ng mga pagkakamali subalit sikaping huwag ilulubog ang sarili sa mga matitinding kasalanan.