Nakakadismayang bus transit

BIYAHE mula sa Kalakhang Maynila papunta ng Laoag City para sa tatlong araw na pamamalagi roon.

Inisip na maraming pasahero dahil Disyembre kaya medyo maaga pa lamang ay minabuti na ang online reservation para sa papunta ng Laoag City at pabalik ng Metro Manila sa isang bus transit.

Sinunod ang nakalagay na mga alituntunin na isang oras bago ang alis ng bus ay dapat nasa terminal na at kailangang magpakita sa opisina ng bus transit ng kahit isang government ID.

Pero hindi na nanghingi ng ID at ipakita na lamang ang printed copy ng pina-reserve.

Ang hindi pa nasunod ay ang takdang alis ng bus dahil isang oras pa ang nakalipas bago nagbiyahe.

Hindi rin nasunod ang sinasabing oras o haba lamang ng biyahe dahil sobra-sobra.

Masaklap pa ay ang pinareserba at binayarang bus ay mayroong comfort room subalit wala naman.

Heto pa, maganda at nagbibigay ng claim stub para sa bagahe pero pagkuha nito ay hindi naman tinitingnan na ang nasabing claim stub.

Isa pa pala, sa unang print out ay mali ang petsa ng kapanganakan kaya ipinaulit subalit hindi rin binago basta ang sabi lamang ay wala namang problema iyon at ipakita lamang ang ID.

Eh hindi nga nanghingi ng ID at hindi na rin tiningnan ang printed copy.

Hindi na natin babanggitin ang pangalan ng bus transit na sadyang nakakadismaya talaga.

Kung sakaling magbabalak kayo punta ng Laoag City na magmumula sa Kalakyang Maynila ay tiyaking maganda at maayos ang bus transit na kukunin lalo at first time lamang bibiyahe roon.