Nakalabas na subalit bumalik muli sa nangyayaring sunog  

SINASABING nakalabas na subalit muling bumalik sa nasusunog na gusali ang dahilan ng pagkamatay ng lokal na mamamahayag sa Zamboanga City kamakailan.

Kinilala ang biktima na si Allen Abastillas, reporter ng local newspaper.

Batay sa ulat, bandang alas-2:00 ng Martes ng madaling araw nagsimula ang sunog sa Don Alfaro Road sa Barangay Tetuan.

Umabot sa third alarm ang sunog na nakontrol dakong alas-3:08 ng madaling araw at idineklarang fire out bandang alas-6:23 ng umaga.

Hindi pa natukoy ang sanhi ng sunog na tinatayang nasa P9.6 milyong halaga ang naabo o danyos. 

Nabatid na sa kasagsagan umano ng sunog ay nakalabas na ang biktima subalit muling bumalik.

Binalikan umano ng biktima ang mga personal na gamit nito gayundin ang mga mahahalagang dokumento subalit nabigo na itong makalabas pang muli.

Patay din sa nasabing sunog  ang isa pang biktima na si Adolfo Vicente Jr., kawani ng Office of Environment and Natural Resources sa lungsod.

Iniulat din na walo katao ang sugatan sa nangyaring sunog. RUBEN LACSA