Umusok ang outstanding favorite na kabayo na si Oradas Gray matapos manalo sa pambungad na karera na ginanap noong nakaraang linggo 3YO & Above Maiden Race na inilarga sa karerahan ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) sa Malvar Tanauan City, Batangas. Magaan na nirendahan ng hineteng si Kelvin Abobo ang kanyang sakay na si Oradas Gray at ipinakita na kayang kaya nila ang ayre kaya nadomina ang laban ng walang kahirap hirap. Sa simula ng karera ay nakauna sa paglundag sa gawing labas si Lagertha na sinakyan ni Jonathan Hernandez, ngunit agad na umarangkada ang ating bida na si Oradas Gray upang makuha ang unahan, pangatlo sa bandang gitna si Freydis Cutie na ginabayan ni Louie Lunar, pang-apat si Golden Jaraywa na pinatungan ni Ryan Base, panlima si Humble Strike na dinala ni Jomer Estorque, kasunod sa tabing balya si Maayo Kaayo na pinatnubayan ni Francisco Tuazon, pampito si Impressive Victory na minaniobra ni Conrad Henson, pangwalo si Jewel Of The Nile na lulan ni Patricio Dilema, habang si Oras Na na sakay ni Adrian Bufete ang kulelat sa umpisa. Pagsapit sa back stretch ay ang paborito na si Oradas Gray pa rin ang nagdidikta sa unahan, kasunod ang tersero liyamado na si Freydis Cutie, pangatlo ang kuarto liyamado na si Lagertha, kasunod ng may limang kabayong agwat ang quinto liyamado na si Humble Strike, panlima ang ika-apat sa pinakadehado na si Golden Jaraywa, pang-anim ang ikatlo sa pinakadehado na si Impressive Victory, pampito ang segundo liyamado na si Jewel Of The Nile, pangwalo ang pinakadehado na si Maayo Kaayo, habang ang ikalawa sa pinakadehado na si Oras Na ay nanatiling bugaw. Pagpasok sa far turn ay tangan pa rin ng winning horse na si Oradas Gray ang bandera, habang nagkukumahog sa paghabol sina Lagertha at Freydis Cutie, rumeremate naman sa tabing balya si Golden Jaraywa at kumakaripas sa gawing labas si Jewel Of The Nile. Pagdating sa home stretch ay hindi man lang nakaramdam ng pressure sa harapan si Oradas Gray ngunit binagsakan pa rin ni Kelvin ang kanyang sakay kaya mas lalo pa itong umigtad at tinawid ang meta ng may malayong kalamangan. Sumegundo kay Oradas Gray si Jewel Of The Nile, dikit na tumersero si Golden Jaraywa at si Impressive Victory ang pumang-apat. Nakapagrehistro si Oradas Gray ng tiyempong 1:26 (14-22-23′-26′) para sa distansyang 1,400 meter.