NAGSAGAWA ng pakikipag-ugnayan ang Parañaque City Police Station (PCPS) sa PNP Highway Patrol Group, Regional Highway Patrol Unit NCR at sa Land Transportation Office (LTO) upang matukoy kung kanino ang abandonadong sasakyan na nakita ng mga barangay tanod sa kanilang lugar kamakailan.
Batay sa ulat na nakarating kay Southern Police District (SPD) Director PBGEN KIRBY JOHN B KRAFT, nakatanggap ng tawag ang Parañaque City Police Tambo Substation mula kay Mark Joseph Espinosa, tanod ng Barangay Tambo, hinggil sa pulang Toyota Innova na may plakang CDI 9724 at nakaparada sa Quirino Avenue corner M Delos Santos St. na nasasakupan ng naturang barangay.
Ayon kay General KRAFT, alas singko y medya ng hapon nitong ika-08 ng Pebrero ay napansin na ni Espinosa ang nasabing sasakyan na nakaparada sa lugar at inakala lamang na bumibisita o maaaring may binili ang may-ari sa lugar kayat hindi na niya ito pinansin.
Sa pagronda nina Espinosa kinabukasan ng madaling araw ay naroroon pa rin ang nasabing sasakyan at dito na siya naghinala kung bakit hindi ito inalis ng may ari sa lugar.
Gamit ang S.A.F.E. NCRPO APP ay agad nakipag-ugnayan ang Barangay Tambo sa Parañaque City Police Station at humingi na ng tulong.
Sinabi ni General KRAFT na matapos tingnan ng mga tauhan ng Parañaque City Police Tambo Substation ang sasakyan ay napansin ng mga ito na bagamat nakasarado ang mga pinto ng sasakyan ay hindi naman naka-lock, walang gasgas o tama ng ibang sasakyan, kaya hindi masasabi na nasangkot sa aksidente.
Bagamat ang lahat ng salamin sa bintana at windshield ay semi-tainted ay makikita pa rin ng sinuman ang nasa loob nito.
Upang matiyak ang laman ng kulay brown na backpack sa passenger seat, isang kahon at isang nakasako sa loob ng sasakyan na nakita ng mga pulis ay tumawag na ang mga ito sa Scene of the Crime Operatives (SOCO) Parañaque.
Pagdating sa nasabing lugar ng mga operatiba ng SOCO Paranaque ay nakakuha ang mga ito ng 27 vacuum sealed tee packed na naglalaman ng white crystalline substance na hinihinalang shabu; isang puting sako; isang white plastic na lalagyan; isang Lazada box; dalawang photocopies ng OR/CR ng nasabing sasakyan na Toyata Innova with plate number CDI 9729; isang deed of sale of the Motor Vehicle; isang OR/CR ng Nissan Sentra na mayroong plaka na TKS 429; dalawang photocopies ng LTO driver’s license ng isang Ma. Teresa Fernandez y Belandres; isang photocopy ng Certificate of Live Birth; isang kopya ng TDS at EC meter hold; isang identification card at vaccination card na nakapangalan sa isang Patani Barauntong; isang kulay puti na Romess Power bank; isang kulay itim na FUBU shirt; isang brown leather Backpack; isang susi ng sasakyang Nissan; 37 piraso ng ₱50; isang official receipt (Maya) at isang J-sport backpack.
Idinagdag pa ni General KRAFT na ang 27 kilo umano ng hinihinalang illegal drugs na mayroong Standard Drug Price value na ₱183,600,000.00 ay nasa pangangalaga ng SPD Forensic Unit. (Paulo B Flores)