P19 milyong halaga ng iligal na tangke ng LPG, nakumpiska  

NASA P19 milyong halaga ng iligal na tangke ng liquefied petroleum gas o LPG at iba pang equipment ang nasabat ng mga awtoridad sa Caloocan City kamakailan.

Isinagawa ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group ang pagsalakay sa Barangay 163, Sta. Quiteria, Caloocan City nitong Setyembre 14.

Nabatid kay Maj. Gen. Leo Francisco, hepe ng CIDG, na ipinatupad ng grupo ng Southern Metro Manila District Field Unit ang search warrant na inisyu ng korte ng Makati City laban sa mga may-ari, nangangasiwa at operator ng Pyro LPG Refilling Station.

Bunsod ito ng sinasabing pagkakasangkot ng naturang LPG refilling station sa hindi awtorisadong pagbebenta at distribusyon ng mga produktong petrolyo.

Sa naturang pagsalakay ay hindi natunton ng mga operatiba ang mga may-ari o nangangasiwa roon.

Gayunman ay naaresto ang siyam na empleyado na kinabibilangan ng human resources personnel, office staff, refillers at mga driver.

Nakumpiska sa operasyon ang ilang large and small filling scales na may corresponding nozzles and hoses na ginagamit sa illegal refilling.

Kumpiskado rin ang dalawang trak na nagsisilbing transportasyon ng iligal na refilled LPG cylinders. RUBEN LACSA