HINDI lamang banta bagkus ay asahan na talaga ang pagsipa sa presyo ng mga produktong ginagamit sa Kapaskuhan partikular sa Noche Buena.
Kabilang na rito ang mga hamon, mayonnaise, sandwich spread at iba pa.
Sadyang hindi mapipigilan ang pagsirit ng presyo dahil ayon sa Department of Trade and Industry ay ikinokonsidera bilang seasonal o napapanahon lamang ang mga naturang produkto.
Paliwanag ng DTI na ang mga nasabing produkto ay hindi kasama sa talaan bilang suggested retail price o SRP.
Ito ay malaking pasakit para sa mga maralita o pangkaraniwang indibidwal lamang na naghahangad din ng hindi man marangyang pagsasaluhan ay kahit papaano ay maayos at simple.
Nananatili naman ang kagawaran sa pagbabantay sa galaw ng mga presyo sa pamilihan lalo at papalapit na ang Kapaskuhan.