BAWAT isa sa atin o lahat tayo ay dadaan lamang sa mundo na ang itatagal ng pamamalagi ay batay sa buhay na ipinahiram ng Poong Maykapal.
Sabi nga ay minsan o isang beses lamang mabubuhay na ang kasunod ay ang kamatayan.
Habang nabubuhay ay maraming kinakaharap o iba’t ibang pinagdadaanan.
Isa na sa mga ito ay kung sino ba talaga ang kakampi o kaibigan at ang kaaway.
Ang isang tao kapag namatay o patay na ay tila musika sa pandinig ang mga pagpupugay para sa kanya.
Iyon nga lamang ay hindi na niya maririnig ang mga papuri dahil siya ay patay na.
Nakakairita nga lamang sa tainga ng mga buhay pa na nakakarinig mula sa mga nagpupugay doon sa namatay sa kabila na iyon ay kaplastikan o pakitang-tao lang.
Hindi maganda para sa mga nakakarinig na binibigyang papuri ang namatay sa kabila na batid ng mga nasa paligid ang katotohanan.
Iyon bang noong nabubuhay pa ay nakakaaway na at mga pangit na salita ang binibitiwan sa iba o sa paligid subalit dahil namatay na ay puro magaganda na ang sinasabi roon sa nasa loob ng ataul.
Hindi naman tayo perpektong tao dahil nakakagawa rin ng mali at kasalanan kaya nangangahulugan na bawat isa sa atin ay nagkakaroon ng kaaway o kagalit.
Mainam pa na ang pagpupugay sa namatay ay ang paghingi ng kapatawaran kahit sa pabulong na pamamaraan kasabay ng pagdarasal para sa kanyang kaluluwa at iwasan ang pagbibida-bida lalo at malayo sa katotohanan.