ARAW-ARAW na lamang sa pagbubukas ng telebisyon o radio at maging sa mga pahayagan para sa pagtutok sa mga balita ay kabilang na rin sa matutunghayan ang tungkol sa EDSA busway.
Sa kabila ng mga nagkalat na mga enforcer partikular ang mga tauhan ng Special Action and Intelligence Committee for Transportation ay araw-araw pa rin nababalita ang mga pasaway na tsuper o maging mga rider na nahuhuli.
Aprubado ng Metro Manila Council noong nakaraang taon ang pagtataas sa multa laban sa mga pasaway na motorista.
Epektibo naman dahil sa pagtaas ng multa na P5,000 hanggang P30,000 gayundin ang posibilidad na kanselasyon ng lisensiya batay sa paglabag ay medyo kumonti ang violators.
Tumaas ang multa at naglipana ang mga enforcer subalit heto at mayroon pa ring mga pasaway araw-araw.
Napapanahon na nga marahil upang sang-ayunan ang pananaw ng isang opisyal ng Metropolitan Manila Development Authority na mas dagdagan o taasan pa ang ipapataw na multa sa mga lumalabag sa batas-trapiko upang masawata ang mga pasaway.