Parang kelan lang

SUMAPIT na ang ikapitong (7) kaarawan ng ating pahayagan.

Tulad sa tao na ang buhay ay ipinahiram lamang ng Panginoong Diyos na ano mang oras ay maaari ng bawiin.

Ganoon din ang ano mang bagay, trabaho, negosyo at iba pa ay mayroong hangganan.

Kumbaga sa tao ay napakabata pa ng HANEP dahil pitong taong gulang pa lamang.

Sa tao kung bansagan ang ganitong edad ay musmos pa lamang at napakarami pang daraanang balakid at pagsubok hanggang sa pagtanda.

Hindi po natin ikinukumpara ang isang dyaryo sa buhay ng isang tao bagkus ay kaakibat lamang ng paniniwala na ang Panginoong Diyos din ang nagbigay ng buhay sa HANEP upang pumalaot sa mundo ng pamamahayag.

Ang bawat ina na nagluwal ng sanggol ay hindi matatawaran ang kasiyahan at pasasalamat sa Diyos.

Sa paglakad ng mga panahon katuwang ng ina ang ama sa pagpapalaki ng kanilang anak.

Hindi mamamalayan ang mabilis na pag-usad ng panahon bagkus ay malalaman na lamang na ang anak ay nasa pitong taong gulang na. 

Ang sambit, ‘parang kelan lang, bilis talaga ng panahon.’

Kagaya sa anak, ang ano mang bagay ay kinakailangang inaalagaan at iniingatan lalo ay pakakamahalin.

Ganyan ang ating ginawa at ginagawa o gagawin pa sa HANEP.

Kaya naman taus puso ang aking pasasalamat sa Panginoong Diyos kasabay ng patuloy na panalangin para sa karagdagan o marami pang taon ng HANEP sa sirkulasyon.