Pasay City LGU Tumanggap ng Pagkilala mula sa IACT

TUMANGGAP ng parangal at pagkilala mula sa Inter-Agency Council for Traffic (IACT) ang Pasay City government dahil sa pagtiyak nito ng kaligtasan at seguridad ng mga mamamayan nito maging sa mga motorista na gumagamit ng kalsada.

Ang parangal na iginawad ni IACT Chief Charlie Apolinario Del Rosario ay tinanggap ni Peter Eric Pardo, chief of staff at kinatawan ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano, para sa nasabing okasyon.

Sa panig ng Pasay City government, sinabi ni Pardo na ang pagkilala at parangal na iginawad sa kanila ng IACT ay iniaalay ni Mayor Emi Calixto Rubiano sa mga Pasayeno na nag-ambag ng lakas at malasakit upang matulungan ang publiko simula noong ika-15 ng Marso 2020 hanggang sa kasalukuyan.

Kinilala ng IACT ang katapangan ng mga operatiba at mapagkakatiwalaang partner sector ng national government at Department of Transportation (DOTr) mula sa hanay ng mga lokal na pamahalaan ng Pasay na nagpakita ng kabayanihan sa pagsagip ng buhay, pagpapanatili ng seguridad, at pagpapakita ng katapatan noong panahon na mayroong mga lockdowns at ipinatutupad na community quarantines.

Sa kanyang mensahe na ipinarating ni Pardo, ibinahagi ni Mayor Emi ang pagkilala sa mga nasasakupan at opisyal ng Lungsod ng Pasay — mula sa antas ng barangay hanggang sa pinakamataas na pinuno — na nag-ambag ng kanilang oras, pagsisikap, at dedikasyon sa tungkulin.

Ayon kay Mayor Emi, dapat ipagpatuloy ng pamahalaang lokal ng Pasay na pagsusulong ng mga proyekto nito tungo sa ikauunlad ng lungsod.

Sa pamamagitan aniya ng dedikasyon, tiyaga, malakas na presensya at katatagan ng bawat opisyales at kawani ng Pasay City government maipapakita sa lahat ang pagkakaisa at pagmamahal sa bawat isa.

Ang Pasay City ay ginawaran ng IACT ng Magiting na Lingkod Award para sa kanyang huwarang pagganap at napakahalagang kontribusyon sa kasagsagan ng Covid-19 pandemic partikular sa pagtiyak ng kaligtasan at seguridad ng publiko.

Sa pakikipagtulungan ng SM Cares, ang IATF awarding ay dinaluhan ng mahigit 150 DOTr staff at leaders, local government units (LGUs), at iba’t ibang partner private institutions.

Bukod kay Pardo, dumalo rin sa awarding para kumatawan kay Mayor Emi Calixto-Rubiano si RR Salvador, ng City Environment and Natural Resources Office (CENRO); Art Fortaleza, hepe ng Pasay Traffic and Parking Management Office (PTPMO); at Ace Sevilla, ng Tricycle and Pedicab Franchise Regulatory Office (TPFRO). (Paulo B Flores)