AKTIBO na naman ang kapulisan sa pagsasagawa ng checkpoint sa iba’t ibang bahagi ng bansa bunsod ng gaganaping halalang pambarangay.
‘Plain view doctrine’ ang ipatutupad ng mga pulis na nakatalaga sa checkpoint para sa mga motoristang de-sasakyan.
Ibig sabihin ay kalahati ng bintana ng sasakyan ang ibababa ng tsuper para makasilip ang mga pulis sa loob.
Mga mata lamang ng pulis ang pagaganahin dahil bawal ang maghalughog sa sasakyan at walang hihinging dokumento.
Kaya naman ang sigaw ng mga rider ay malaking abala na naman para sa kanila.
Pahihintuin ang mga motorsiklo at hihingin ng pulis ang lisensiya ng rider gayundin ay titingnan ang dokumento ng motorcycle.
Ano nga ba talaga ang pagkakaiba sa de-sasakyan at sa nakamotorsiklo?
Ang mga motorcycle rider ay kailangang magpakita ng driver’s license at papel ng motorsiklo samantalang ang driver ng sasakyan ay hindi na.
Ano nga ba ang tunay na diwa ng chekpoint at ito ba ay ginagawa sa ngayon dahil nasa election period ay pinaiiral ang gun ban?
Harinawa sa pamamagitan ng checkpoint ay tuluyang mawawala o kung hindi man ay napakalaki sana ang maibabawas sa krimen o karahasan na may kaugnayan sa halalan.
Ano po sa tingin ninyo?
Para naman sa mga pulis na nakatalaga sa checkpoint, kung maayos ang pakikitungo at pakikipag-usap sa tsuper ng mga sasakyan ay ganoon din dapat sa rider.