IPINATUTUPAD na ang Commission on Elections checkpoints and gun ban bilang hudyat na tayo ay nasa election period na na nagsimula nitong Enero 12.
Dahil gun ban kaya isa sa mga pangunahing layunin ng paglalatag ng mga checkpoint ay makatiyak na hindi makakapagdala ng baril sa labas ang mga hindi otorisado.
May baril ka na mayroong permit o ito ay lisensyado ay dapat ka pang kumuha ng certificate of exemption dahil ang mga otorisado lamang na puwedeng may dalang baril sa labas ay kagaya ng mga pulis subalit dapat sila ay on duty at complete uniform.
Kaya kung hindi naman otorisado ay huwag ng magtangka at magpumilit na magdala ng baril sa labas dahil maraming nakalatag na Comelec checkpoint at baka matiyempuhan ka pa at mabibigat na kaso ang kakaharapin mo.
Nagpalabas naman ang mga kinauukulan ng tamang mga alituntunin sa pagpapairal ng checkpoint gayundin ang wastong pakikiharap at pakikipag-usap sa mga nagsasagawa nito.
Wala naman talagang dapat ikatakot sa checkpoint basta nasa wasto ka at hindi lumalabag sa ano mang batas.
Panawagan lamang natin sa mga nagsasagawa ng checkpoint partikular sa kapulisan na maging maayos naman sa pakikiharap o pakikipag-usap na kumbaga ay parehas na trato sa mga rider at driver o nagmamaneho ng sasakyan dahil sa totoo ay higit pa ring nakararaming nagmomotorsiklo ang lumalaban ng parehas sa paghahanap-buhay na ang ginagamit ay single motorcycle.