MAG-UUSAP ulit ang mga kasapi sa Metro Manila Council (MMC) at ng Department of Health (DOH) kung kinakailangan na ba i-angat o hindi pa ang public health emergency status ng bansa dahil sa nabatid ng Metro Manila mayors mula sa Department of Health (DOH), na kung pagbabatayan ngayon ang hospital utilization rate dito sa National Capital Region (NCR) ay nasa 29% pa lamang ng buong populasyon dito sa Metro Manila ang naitatalang bilang ng mga pasyente na nag-positibo umano sa COVID-19.
Sinasabi ng mga kinauukulan na nasa 25 % pa lamang ang positivity rate ng mga COVID cases dito sa Metro Manila.
Gayunman, nilinaw ni San Juan City Mayor Francis Zamora, chairman ng MMC na maaari pa ring magpatupad ang mga lokal na pamahalaan ng face mask policy sa pamamagitan ng isang Executive Order o di kaya ay ordinansa, kung talagang kakailanganin. Sa kasalukuyan ay nananatiling opsiyonal ang pagsusuot ng face mask dito sa NCR.
Ayon kay Zamora, hindi pa aniya kinakailangan ang mandatory na face mask use sa NCR dahil ito’y nananatiling nasa low-risk category sa COVID-19, sa kabila nang pagtaas ng mga naitatalang bilang ng mga tao na mayroong sakit.
Kaugnay nito, sa kabila ng bahagyang pagtaas ng kaso ng Covid-19 sa NCR tiniyak naman ni Dr. Jose Rene de Grano, ang pangulo ng Private Hospitals Association of the Philippines, Inc. (PHAP) na ang mga pribadong ospital ay may kakayahang tumanggap ng mga pasyente ng Covid-19.
Sinabi pa ni de Grano na ilang mga pribadong ospital ang nag-ulat ng 20 hanggang 50 porsiyentong pagtaas ng mga na-admit na pasyente ng Covid-19 nitong nakalipas na dalawa hanggang tatlong araw.
Gayunman, ipinaliwanag ni De Grano, na karamihan sa mga naturang pasyente ay hindi unang na-ospital dahil sa Covid-19 ngunit dahil sa iba pang mga sakit, napag-alaman lamang na nagpositibo lamang ang mga ito sa virus matapos isagawa ang routinary testing bilang bahagi ng safety protocols sa mga ospital.
Bagama’t karamihan sa mga na-admit na kaso ay “insidental”, sinabi ni de Grano na binabantayan nila ang mga pasyente at inoobserbahan lalo na ang mga mayroong comorbidities at kung sino ang immune-compromised sa mga ito.
Sa aking punto mga kaibigan, maganda na rin na ibalik ang mandatory na pagsusuot ng face mask lalo na kung tayo ay pumupunta sa mga high-risk areas hindi lamang dito sa Metro Manila kundi maging sa mga probinsiya.