PAY D LADY, NAKASILAT!

Dismayado ang mga liyamadista matapos masilat ng kabayong si Pay D Lady ang outstanding favorite na si Top Tiger sa ginanap na 3YO Maiden Race na pinakawalan sa karerahan ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) sa Malvar Tanauan City, Batangas. Sakay ng apprentice rider na si Charles Reyes ay napabor kay Pay D Lady ang hindi magandang salida ni Top Tiger na halos bumisaklat sa lundagan. Bagaman naiwanan ay nagbigay pa rin ng magandang laban si Top Tiger ngunit tila nasalto naman sa rektahan kaya nagkaroon ng “Inquiry for 1st”, gayunpaman si Pay D Lady pa rin ang idineklarang panalo ng mga hurado. Sa largahan ay nakauna sa paglundag si Galactus na pinatungan ni Yeeson Bautista, ngunit agad na umarangkada ang ating bida na si Pay D Lady upang mahawakan ang bandera, pangatlo sa gawing labas si Moon Island na ginabayan ni Christian Advincula, kasabay sa tabing balya si Red Robin na minaniobra ni Reynel Delos Santos, panlima si Best Shot na pinatnubayan ni Francisco Tuazon, habang si Top Tiger na nirendahan ni Elvin Abrea ang bugaw sa simula. Pagsapit ng far turn ay bandera pa rin ang segundo liyamado na si Pay D Lady, habang nakalutsa sa ikalawang puwesto ang tersero liyamado na si Moon Island, pangatlo ang kuarto liyamado na si Red Robin, kumakaskas naman sa ika-apat na posisyon ang paborito na si Top Tiger, panlima ang quinto liyamado na si Galactus, habang ang pinakadehado na si Best Shot ang nalipat sa likuran. Pagpasok ng home stretch ay nagbabakbakan pa rin sa unahan sina Pay D Lady at Moon Island, habang kumakaripas sa ikatlong puwesto si Top Tiger at nauupos sa ika-apat si Red Robin. Sa rektahan ay nakalalamang pa rin ng bahagya ang winning horse na si Pay D Lady, kadikit sa bandang gitna si Moon Island at patuloy ang pagbulusok ni Top Tiger sa gawing labas. Mapapansin na tila nasalto si Top Tiger kay Moon Island kaya napilitan si Elvin na pihitin palabas ang kanyang sakay, ngunit huli na, dahil nakapirmis na si Charles sa unahan kaya hindi na kinailangan pang bagsakan ng todo ang kanyang sakay na si Pay D Lady. Tinapos ni Pay D Lady ang laban ng may isang kabayong kalamangan, sumegundo si Top Tiger, tersero si Moon Island at si Galactus ang pumang-apat. Pumoste si Pay D Lady ng tiyempong 1:01 (13-21′-26′) para sa 1,000 meter race.