PBBM, NANGUNA SA PAG-ALALA SA KABAYANIHAN NI APOLINARIO MABINI      

LUNGSOD NG BATANGAS (PIA) — Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang programa at selebrasyon sa ika-160 taong kapanganakan ni Apolinario Mabini sa dambana ng bayani sa Brgy. Talaga, Tanauan City, Batangas nitong Martes, ika-23 ng Hulyo.

Nag-alay ng bulaklak ang Pangulo sa bantayog ni Mabini, kasama sina Armed Forces of the Philippines Chief of Staff General Romeo Brawner at National Historical Commission of the Philippines Chair Regalado Trota Jose Jr., na dinaluhan rin ng iba pang opisyal mula sa lokal at nasyunal na pamahalaan.

Sa mensahe ni Pangulong Marcos, binigyang-diin niya na dapat gawing inspirasyon ng mga kabataan si Mabini upang magpunyagi sa buhay, partikular sa mga pilosopiyang pampulitika at panlipunan na makakapag-ambag sa bansa tungo sa Bagong Pilipinas.

“Ang kaniyang ipinamanang lakas ng loob ay nabubuhay sa kanila at sa maraming Pilipino na patuloy na nag-aalay ng kanilang husay at talento para sa patuloy na pag-unlad ng Pilipinas. Tinatawagan ko ang mga kabataang Pilipino ngayon na gawing inspirasyon at halimbawa ang buhay ni Apolinario Mabini upang magpunyagi sa buhay,”

Bukod pa dito, inaalala din ng Pangulo ang mga kontribusyon ng dakilang paralitiko na nagpamalas ng tatag, deterinasyon at katalinuhan sa pagtataguyod ng reporma sa panahon ng kolonyalismo.

“Sa kabila ng kapansanang ito, hindi [nito] naparalisa ang kaniyang nag-aalab na puso at matatag na diwa. Ang kalagayan niya ang siyang nagbigay-lakas sa kaniya na gamitin ang talas ng kaniyang isip bilang sandata laban sa kawalang-katarungan, pang-aabuso, at pang-aapi sa mga kapwa Pilipino,” dagdag ng Pangulo.

Matapos ang seremonya, nilibot ni PBBM ang kabuuan ng museo na sumasalamin sa pagkatao ng bayani simula sa kanyang kabataan, pagpupunyagi at mga natatanging kontirbusyon sa kasaysayan ng Pilipinas.

Sa panayam kay Rico Mabini Talansag, Pangulo ng Brgy. Talaga at isa mga descendants ni Mabini, aniya, masaya siya tuwing ipagdiriwang ang kaarawan ng kanilang lolo, lalo’t higit kapag binibisita sila ng Pangulo ng bansa at iba pang kilala at tinitingalang personalidad.

“Masaya po kaming buong pamilya sapagkat tunay na maipagmamalaki ang aming lolo at ang kanyang mga nakamit na tagumpay lalo na at siya ang itinuturing na “Utak ng Himagsikan”. Isang Batanguenong kilala hindi lamang sa Lalawigan ng Batangas kundi sa buong bansa dahilan sa naging kontribusyon nito sa kasaysayan natin”, ani Talansag.

Kilala bilang Dakilang Lumpo, si Mabini ay isang nasyonalistang abogado at itinuturing na ‘Utak ng Himagsikan’ na nagsilbing pangunahing tagapayo ni dating pangulong Emilio Aguinaldo at isa sa mga nagsulong sa pagsuo ng Unang Republika ng Pilipinas noong 1899.

Ang Mabini Shrine ay bukas sa lahat ng mga indibidwal o grupong nagnanais na malaman ang kasaysayan ng buhay at legasiya ng bayani. (MPDC/PIA-Batangas)