PCSO 3-YEAR-OLD CHAMPIONSHIP CUP  

Itinanghal na kampeon ang paboritong kabayo na si King James nang manalo sa katatapos na PCSO 3 Year Old Championship Cup na inilarga sa pista ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) sa Malvar Tanauan City, Batangas. Ganado ang hineteng si Cesar B. Ardoña sa ibabaw ng kanyang sakay na si King James na dumiskarte mula simula hanggang meta. Sa umpisa ay humataw kaagad si Mommy’s Love upang mahawakan ang bandera, nakaalalay naman sa pangalawang puwesto ang kanyang kakuwadra na si King James sa gawing labas, pangatlo sa tabing balya si Every Sweat Counts habang nasa likuran ang magkakampi na sina Gameir Winner at Authentikation. Sa kalagitnaan ng karera ay inagaw na ni King James ang bandera kay Mommy’s Love habang nagpupumilit na makalapit sa unahan si Every Sweat Counts. Pagsapit ng far turn ay patuloy ang pag-arangkada ng ating bida na si King James sa harapan habang nagkukumahog pa rin sa paghabol si Every Sweat Counts at rumeremate naman ng malakas si Authentikation. Pagpasok ng home stretch ay tangan ni King James ang tatlong kabayong bentahe habang patuloy ang pagbulusok ni Authentikation na unti-unting dumidikit sa unahan, ngunit hindi nagpatinag ang winning horse at tinawid nito ang meta ng may kalahating kabayong kalamangan. Sumegundo kay King James ang nabitin na si Authentikation at si Every Sweat Counts naman ang tumersero. Naorasan si King James ng tiyempong 1:43 (25-24-24′-29′) para sa 1,600 meter race sapat upang maibulsa ng winning horse owner na si James Anthony Rabano ang premyong ₱300,000 mula sa PCSO.