Umangat ang galing at talento ng outstanding favorite na kabayo na si Treasure Hunting matapos manalo sa ginanap na PHILRACOM Special Invitational Race II na ikinasa sa karerahan ng Metro Manila Turf Club Inc, (MMTCI) sa Malvar Tanauan City, Batangas. Lulan ng hineteng si John Alvin Guce ay sinisiw ni Treasure Hunting ang laban matapos na bumandera ng walang kahirap hirap mula sa umpisa hanggang meta. Sa largahan ay agad na umarangkada ang ating bida na si Treasure Hunting upang mahawakan ang bandera, ngunit agad din na humataw sa gawing labas si Bombay Nights upang makapitan siya sa harapan. Pagsapit ng medya milya ay si Treasure Hunting pa rin ang nagdidikta sa unahan, nakabuntot pa rin sa ikalawang puwesto si Bombay Nights at nagkumpulan sa likuran sina Daily Burn, My Prancealot, Gomper Girl at Magtotobetsky. Papasok ng far turn ay matatag pa rin sa harapan si Treasure Hunting habang nagpupumilit na makalapit si Bombay Nights. Pagdating ng rektahan ay marami pang lakas ang nailabas ng ating winning horse, kaya kahit parenda renda lang si John Alvin ay nagkukusa pa rin si Treasure Hunting at tinapos ang laban ng may malayong kalamangan. Pumorkas kay Treasure Hunting si Bombay Nights, pasok sa trifecta si Magtotobetsky at si Daily Burn ang bumuo sa quartet. Nirehistro ni Treasure Hunting ang tiyempong 1:39.2 (26′-24′-24-24′) para sa distansyang 1,600 meter.