‘Puna, sawsaw at gatong’

MAGALING ang ilan sa mga Pinoy sa pagpuna.

Isang kaganapan o eksena ang mapapansin at kasunod kaagad ay ang pagpuna.

Kabuntot naman nito ay ang ‘pagsawsaw’ ng iba lalo at magkakatulad sila ng pananaw sa kung anong pinuna.

Pero siyempre sa bawat pinupuna ay magkakaiba ng saloobin.

Kumbaga ay hati ang opinyon at iyon na ang umpisa ng bakbakan ng katwiran ng magkabilang panig.

Debate ang kahahantungan subalit ang masaklap ay kapag dumarating sa puntong ‘panggagatong.’

Natural ang pumuna at hindi maiaalis ang maglahad ng kuru-kuro.

Dapat lamang ay panindigan ang pananaw at hindi basta ‘sumasakay’ o umaayon lamang sa opinyon ng iba.

Pakaiwasan ang ‘sumawsaw’ higit sa lahat ay ang ‘manggatong’ sa ano mang paksa o usapin.

Problema lang kasi ay maliit na isyu lamang ay pinalalaki at pinalalala dahil lamang sa pagpuna na susundan ng pagsawsaw ng iba na minsan ay may panggagatong pa.