ROAD TO COJUANGCO CUP  

Magaan na nagwagi ang super outstanding favorite na si Andiamo A Firenze sa katatapos na 2024 PHILRACOM “Road To Ambassador Eduardo M. Cojuangco Jr. Memorial Cup” na ikinasa sa pista ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) sa Malvar Tanauan City, Batangas. Nirendahan ng hineteng si Jeffril Tagulao Zarate, ay inilampaso ni Andiamo A Firenze ang kanyang mga kalaban at napanatili ang malinis na rekord na walang talo. Sa largahan ay humataw kaagad si Red Queen para makuha ang unahan kaya hinayaan lang ito ni Andiamo A Firenze at binantayan sa kaagahan ng karera. Pagdating ng medya milya ay dumikit na ang bida na si Andiamo A Firenze kay Red Queen sa harapan at bago sumapit ng far turn ay walang hirap na inagaw ni Andiamo A Firenze ang bandera sa nauupos na si Red Queen habang rumeremate sa likuran sina Velvet Haze at Mano Dura. Pagpasok ng home stretch ay patuloy sa pagbulusok ang winning horse kaya hindi na nakaporma ang kanyang mga kalaban at tumawid ito sa meta ng may malayong kalamangan. Pumorkas kay Andiamo A Firenze si Mano Dura, pasok sa trifecta si Velvet Haze habang si Midnight Cat ang bumuo sa quartet. Nilista ni Andiamo A Firenze ang tiyempong 1:38.2 (25′-24-23′-25′) para sa 1,600 meter race. Sigurado na marami uli ang susuporta sa kanyang muling pagtakbo.