“ROAD TO HENRY COJUANGCO CUP”

Panalo ang naliyamadong kabayo na si Shastaloo sa ginanap na 2023 Philracom “Road To Henry Cojuangco Cup” na inilarga sa karerahan ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) sa Malvar Tanauan, Batangas. Lulan ng class A na hinete na si John Paul Guce ay nakaremate ng matindi ang kanyang sakay na si Shastaloo at tila nililingon pa ang kanyang mga katunggali habang papalayo at papatawid sa meta. Sa pagbukas ng aparato ay umarangkada kaagad si (4a)Enigmatic Linden na sinakyan ni Kelvin Abobo upang pangunahan ang laban, kasunod sa tabing balya si (3)Treasure Hunting na pinatnubayan ni John Alvin Guce, pangatlo sa gawing labas si Time For Glory na pinatungan ni Oneal Cortez, pang-apat si Bombay Nights na dinala ni Fernando Raquel Jr., panlima si (3a)Runway Dreamer na nirendahan ni Conrad Henson, pang-anim ang ating bida na si Shastaloo, pampito si Speed Fantasy na ginabayan ni Pablito Cabalejo, habang si (4)Sudden Impact na minaniobra ni Ramon Raquel Jr. ang kulelat sa largahan. Pagpihit sa medya milya (800M) ay bandera pa rin ang kuarto liyamado na si (4a)Enigmatic Linden ng may apat na kabayong agwat, kasunod pa rin ang segundo liyamado na si (3)Treasure Hunting, pangatlo ang tersero liyamado na si Time For Glory, pang-apat ang kacouple runner ni (3)Treasure Hunting na si (3a)Runway Dreamer, panlima ang paborito na si Shastaloo, pang-anim ang pinakadehado na si Speed Fantasy, pampito ang quinto liyamado na si Bombay Nights, habang ang kacouple runner ni (4a)Enigmatic Linden na si (4)Sudden Impact ay nanatiling bugaw. Pagsapit sa tres oktabos (600M) ay sabay na kumaskas sa unahan sina (3)Treasure Hunting at Time For Glory, bumagsak naman sa ikatlong puwesto si (4a)Enigmatic Linden, habang bumubulusok sa ika-apat na posisyon si Shastaloo. Papasok sa home stretch ay halos magpantay sa harapan sina (3)Treasure Hunting sa tabing balya, Time For Glory sa bandang gitna at Shastaloo sa gawing labas. Ngunit sadyang matulis ang pagremate ng ating winning horse kaya tuluyan ng nakaungos si Shastaloo pagdating sa huling 200 meter. Sa huling 100 meter ay mapapansin na nilingon pa ni Pao Pao ang kanyang mga katunggali habang kumakaripas sa pagtawid sa meta at tinapos ang laban ng may malayong kalamangan. Pumorkas kay Shastaloo si Time For Glory, pasok sa trifecta si (3a)Runway Dreamer at si Bombay Nights ang bumuo sa quartet. Pumoste si Shastaloo ng tiyempong 1:37.8 (25-23-24-25′) para sa distansyang 1,600 meter. Nasungkit ng winning owner ni Shastaloo na Soapking Inc. ang premyong P300,000 bilang 1st prize. Nakakubra naman ang koneksyon ni Time For Glory ng P112,500 bilang 2nd prize. Nakapag-uwi din sina (3a)Runway Dreamer at Bombay Nights ng P62,500 at P25,000 bilang 3rd at 4th place ayon sa pagkakasunod.