ROAD TO TRIPLE CROWN

Nagtagumpay ang bahagyang nadehado na kabayo na si Open Billing matapos singilin ang kanyang mga katunggali sa ginanap na 2023 Philracom “Road To Triple Crown” na inilarga sa karerahan ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) sa Malvar Tanauan, Batangas. Walang naging problema ang hineteng si Patricio Ramos Dilema sa ibabaw ng kanyang sakay na si Open Billing na rumemate ng maayos at sinamantala ang pagkakalutsa sa outstanding favorite na si Tell Bell. Sa pagbukas ng aparato ay bumandera antimano ang matulin na si Tell Bell na pinatungan ni Jonathan Hernandez, kasabay sa gawing labas si (5)Going East na ginabayan ni Kelvin Abobo, pangatlo si Dom Sat Seven na pinatnubayan ni Conrad Henson, pang-apat si Player Andri na lulan ni Jeffril Zarate, kasunod ang ating bida na si Open Billing, pang-anim si (5a)Glamour Girle na nirendahan ni John Alvin Guce, habang si Go Aydan Go na sinakyan ni Jessie Apellido ang kulelat sa umpisa. Pagsapit sa medya milya (800 meter) ay kumaskas kaagad ang segundo liyamado na si (5)Going East upang maagaw ang bandera, kadikit ang paborito na si Tell Bell, pangatlo ng may anim na kabayong agwat ang tersero liyamado na si Dom Sat Seven, nasa ika-apat na posisyon naman ang kacouple runner ni (5)Going East na si (5a)Glamour Girle, panlima ang quinto liyamado na si Player Andri, nasa ika-anim na puwesto ang kuarto liyamado na si Open Billing, habang ang pinakadehado na si Go Aydan Go ay nanatiling bugaw. Pagtuntong sa tres oktabos (600 meter) ay patuloy ang lutsahan nila (5)Going East at Tell Bell na halos magpantay na sa harapan, habang pinipilit ni Dom Sat Seven na makadikit sa ikatlong posisyon, at sabay na rumeremate sina Open Billing at (5a)Glamour Girle sa ika-apat na puwesto. Papasok sa home stretch ay bahagyang nakalayo sa unahan si Tell Bell, habang patuloy ang pagbulusok ng ating winning horse. Sa rektahan ay makikita na binagsakan ng todo ni Patty ang kanyang sakay na si Open Billing dahilan upang makadikit kay Tell Bell sa harapan. Pagdating sa huling 100 meter ay naging klaro na ang kalamangan ni Open Billing laban sa napagod na si Tell Bell at tinawid ang meta ng may dalawang kabayong agwat. Pasok sa trifecta si (5a)Glamour Girle at si Go Aydan Go ang bumuo sa quartet. Nakapagtala si Open Billing ng tiyempong 1:40.8 (25′-23-24′-27′) para sa distansyang 1,600 meter sapat upang maibulsa ng winning horse owner na si Sec. Benhur Abalos Jr. ang premyong P600,000 bilang 1st prize.