ROAD TO TRIPLE CROWN STAKES RACE

Ipinakita ng kabayong si La Trouppei ang kanyang angas upang sikwatin ang panalo sa katatapos na 2023 Philracom “Road To Triple Crown Stakes Race” na ikinasa sa karerahan ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) sa Malvar Tanauan, Batangas. Naging agresibo ang hineteng si Kelvin B. Abobo sa ibabaw ng kanyang sakay na si La Trouppei na maganda ang itinakbo at pumalag hanggang dulo upang manalo. Sa simula ng laban ay agad na umarangkada si Secretary na pinatungan ni Mart Gonzales upang mahawakan ang bandera, kasunod si Easy Way na sinakyan ni Oneal Cortez, pangatlo sa gawing loob si (1)Going East na nirendahan ni Andreu Villegas, pang-apat si Jaguar na ginabayan ni Fernando Raquel Jr., panlima si Sartorial Elegance na minaniobra ni Jeffril Zarate, pang-anim si Port Kennedy na pinatnubayan ni Rodeo Fernandez, kasunod ang ating bida na si La Trouppei, pangwalo si Earli Boating na lulan ni Jeffey Bacaycay, pangsiyam si (1a)Winner Parade na dinala ni John Alvin Guce, habang si Sweetie Giselle na sakay ni John Allyson Pabilic ang kulelat sa simula. Pagsapit sa medya milya (800M) ay ang pinakadehado na si Secretary pa rin ang nagdidikta sa unahan, kasunod ang quinto liyamado na si (1)Going East, pangatlo ng may tatlong kabayong agwat ang ika-anim sa liyamado na si Easy Way, kumuha naman ng ika-apat na posisyon sa gawing loob ang segundo liyamado na si La Trouppei, panlima ang tersero liyamado na si Sartorial Elegance, pang-anim ang kuarto liyamado na si Port Kennedy, kasunod ang paborito na si Jaguar, pangwalo ang kacouple runner ni (1)Going East na si (1a)Winner Parade, pangsiyam ang pangalawa sa pinakadehado na si Sweetie Giselle, habang ang ikatlo sa pinakadehado na si Earli Boating ang nalipat sa likuran. Paglagpas sa tres oktabos (600M) ay inagaw na ni (1)Going East ang bandera mula kay Secretary, habang sabay na rumeremate sa likuran sina La Trouppei at Easy Way, at nagsimula na rin magpa-init si Jaguar. Pagpihit sa huling kurbada ay halos magpantay sina (1)Going East at La Trouppei sa harapan, habang umaarangkada sa ikatlong puwesto si Jaguar. Pagpasok sa rektahan ay tangan na ng winning horse na si La Trouppei ang bandera ngunit hindi pa rin bumibitaw sa unahan si (1)Going East at pinipilit din ni Jaguar na makadikit sa harapan. Pagdating sa huling 100 meter ay klaro na ang kalamangan ni La Trouppei sa unahan, ngunit nagbabadya pa rin sina (1)Going East sa tabing balya at Jaguar sa gawing labas kaya binagsakan na ng todo ni Kelvin ang kanyang sakay upang matiyak ang panalo. Sumegundo kay La Trouppei si Jaguar, tersero si (1)Going East at si Earli Boating ang pumang-apat. Nakapagtala si La Trouppei ng tiyempong 1:40.6 (24′-23′-24-28′) sapat upang mahamig ng winning horse owner na Rancho Sta. Rosa ang P600,000 bilang 1st prize mula sa Philracom.