ISA patay at dalawa ang sugatan sa umano’y salpukan ng dalawang motorsiklo Gen Trias City, Cavite.
Isinugod sa Gen Trias Maternity and Pediatric Hospital si Heherson Suyat Pagaduan, 33, binata, cook, ng Tropical Village, Pabahay, Barangay San Francisco, Gen Trias City, subalit hindi na umabot ng buhay dahil sa malalang sugat sa ulo.
Sa Dela Salle University Medical Center naman isinugod si Alexander Puing Solis, 63, may-asawa; at angkas nito na si Monaliza Fernandez Semillano, 50, vendor, kapwa ng Block 9 Lot 25 PM Homes Subdivision, Barangay Pasong Camachile 2, Gen Trias City, Cavite kung saan kritikal umano ang una dahil sa sugat sa ulo.
Sa ulat, bandang alas-2:45 ng madaling araw naganap ang insidente kung saan minamaneho ni Pagaduan ang kanyang motorsiklo na Honda Click 125 na may plakang 806NVT sa kahabaan ng Arnaldo Highway patungo sa direksiyon ng San Francisco ng nasabing lungsod na umano’y inokopahan ang kabilang lane ng kalsada.
Pagdaating sa intersection ng Arnaldo Highway at Mayors Drive , Barangay Santiago, Gen Trias City ay nabangga nito ang minamanehong motorsiklo ni Solis na Skygo SG150R at angkas nito si Sermillano.
Dahil sa lakas ng banggaan ay kapwa tumilapon ang mga driver at ang angkas. (Gene Adsuara)